SA aming vlog na Tres Bandidos na mapapanood sa YouTube at Facebook ay tinalakay namin ang raket ng ilang car dealership.
Partikular dito ang pagtatago ng ilang sought after o yung mga in demand units ng mga casa.
Kamakailan ay bumili ng isang mamahaling sports utility vehicle ang aking kaibigan.
Humigit-kumulang sa P6 milyon ang manufacturer’s suggested price (MSRP) nito sa casa.
Pero dahil mataas ang demand nito nagbigay ng dagdag na P1 milyon ang aking kaibigan para lamang matiyak na makukuha niya ang gusto niyang sasakyan sa lalong madaling panahon.
Walang resibo yung extra P1 Million na sa tingin ng kaibigan ko ay pinaghatian ng mga taga-casa.
Wala siyang reklamo sa dagdag na bayad dahil willing naman siyang bayaran yun.
Tama ba o mali ang kanyang ginawa?
Mali dahil walang resibo.
Tama para sa kanya dahil gusto niya talaga ang unit na binibili niya at handa siyang magbayad ng mas mahal para lamang makuha ang gusto niyang sasakyan.
Ang raket ng ilang car dealer sa ganitong sistema ay ibinibigay nila ang sasakyan sa kung sino ang makakapagbigay sa kanila ng mas mataas na dagdag sa tinatawag na “MSRP”.
Kahit na nagdagdag ng P1 million sa halaga ng SUV ang aking kaibigan pero may ibang buyer naman ang nagbigay ng P1.5 Million mas kakagatin ang ilang car dealer ang mas malaking extra cash.
Natural yun dahil gusto nilang kumita pare-pareho pero hindi yung papasok sa kanilang idedeklarang kita dahil wala nga sa resibo.
Kumbaga ay hindi na iyun kasama sa buwis na babayaran nila sa gobyerno.
Matagal nang kalakaran ang ganitong sistema kung saan kahit nagbigay ng bayad ang isang gustong bumili ng in demand na sasakyan pero walang respeto sa usapan ang ilang dealership.
Natural na sasabihin ng mga car manufacturer na hindi nila kinusunsinti ang ganitong kalokohan pero wala naman silang ginagawa para sawatain ang ganitong bagay.
At the end of the day benta pa rin ang tinitingnan nila sa kanilang mga libro at yun ang totoo.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]