Malaking engot ka ba?

REAL talk tayo, ha.

Kapag ikaw ay naga-apply ng trabaho at ayaw mo magpa-interview sa magiging boss mo, isa lang ang ibig sabihin nito—hindi ka seryosong aplikante para sa trabahong inaaplayan mo at hindi ka rin karapat-dapat sa trabahong inaaplayan mo.

Ganito rin ang sitwasyon pagdating sa halalan. Bilang isang kandidato para sa anumang posisyon sa gobyerno, dapat lamang na maging handa kang iprisinta ang iyong sarili sa taumbayan na nililigawan mong iboto ka.

Kapag ikaw ay umiiwas, dalawang bagay lang ang ibig sabihin niyan. Balewala sa iyo ang taumbayan na pinag-aaplayan mo ng trabaho o kaya naman, mayroon kang itinatago na alam mong magiging dahilan para hindi ka iboto ng publiko.

Sa aking personal na opinyon, hindi ko iboboto ang sinumang kandidato na ayaw humarap sa taumbayan.

Eh kung ngayong kailangang-kailangan niya ang boto natin, ni ayaw tayong harapin, paano pa kung makatsamba ang kandidatong ‘yan? Eh di lalo nang hindi makakausap ng taumbayan ‘yan!

Kumbaga sa trabaho, bakit ko iha-hire ang isang tao na ni hindi naman nag-aapply?. Pupwede mo bang basahin na lang ‘yung biodata tapos ‘yun na ang basehan mo?

Hindi ba dapat tatanungin mo siya kung totoo ba ang mga sinasabi niya sa kanyang application? Ano ba ang mga kakayanan at nalalaman niyang gawin? Ano ba ang karanasan niya?

Sa ganang akin, pag hindi humarap ‘yung aplikante sa anumang public position, hindi ko iboboto.

Ang mga public fora at debate ay isang lugar kung saan mistulang naga-apply ang mga kandidato at tayong mga botante ang tumatayong HR o human resource o personnel chief.

Tayo ang susuri sa kandidato kung karapat-dapat ba siya sa posisyong inaaplayan niya. Sa pamamagitan ng mga debate at interviews na ‘yan ay makikita natin kung ang isang kandidato ay may laman ang utak o wala, kung totoo bang may plano para sa bansa o nagre-recite lang ng mga linyang gasgas tuwing eleksyon.

Bukod diyan, makikita rin natin ang lawak ng pang-unawa ng isang kandidato sa mga bagay-bagay na dapat niyang harapin kung siya ay mahalal, kung paano siya magre-react kapag naharap sa mahihirap na katanungan o nasasaling ang kanyang nakaraan o kapintasan, kung paano siya mangatwiran at ano ang pananaw niya sa mahahalagang isyu, at iba pa.

Ito na rin ang nagbibigay ng pagkakataon upang linawin ng isang kandidato ang anumang negatibong bagay na iniuugnay sa kanyang pagkatao.

Eh kung ganyang ayaw mo humarap sa amin na siyang magbibigay sa iyo ng trabaho, isang malaking engot na lang ako kung iboboto pa kita!


Jokjok from Genevieve Guillermo of Pasay City

Pedro: ‘Tol, noong mayaman pa kami, nagkakamay kaming kumain. Ngayong mahirap na kami, nakakutsara na

Juan: Baligtad yata?

Pedro: Mahirap kamayin ang lugaw, tol!!!


DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]