Nakasalalay sa testimonya ng mga biktima at saksi ang buhay ng mga kasong iimbestigahan ng International Criminal Court kaugnay ng kontra-mamamayang “digmaang kontra-droga” ni Duterte.
Dahil dito, malamang na mamiligro ang sinumang nagnanais magbigay ng testimonya sa kaso. Maaari silang pagbantaan, takutin, at i-harass ng mga pulis at bata-bata ng mga pulis para “patayin” ang kaso.
Di birong panganib ang susuungin ng mga saksing nagnanais maglahad sa ICC ng kanilang nasaksihan kaugnay ng targeted killings na di-makataong ipinatupad ng PNP sa ilalim ng programang Tokhang at Double Barrel.
Sa Kenya, pinatay at naglaho ang ilang testigo laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan na responsable umano sa pagpaslang ng mahigit 1,100 katao mula 2007-2008 pagkaraan ng kanilang pambansang halalan. Bumaligtad ang iba. Bunga ito ng matinding kampanya ng mga makapangyarihan na suhulan, takutin, at biguin ang hangarin ng mga saksing tumestigo laban sa kanila sa kasong crimes against humanity na dinidinig noon ng ICC.
Kaya napakahalaga na magkaroon ng paninindigan at maging maingat ang mga saksi sa darating na panahon.
Mailap ang katarungan.
Magkaganito man, nakasalalay sa ating mga kamay ang ikatatagumpay ng ating laban.
Sa pamamagitan ng ating sarili’t sama-samang inisyatiba at aksyon, magagawa ng taong-bayan na makipagtulungan kay ICC Prosecutor Karim Khan upang imbestigahan, usigin, ipagsakdal, litisin, at gawaran ng kaparusahan sina Duterte bilang siyang pinaka-responsable umano sa pagkitil ng buhay ng tinatayang 12,000 hanggang 30,000 sibilyan.
Makasaysayan ang papel na ginagampanan ng mga biktima at saksi, sa tulong ng bayan, upang singilin sina Duterte sa kanila umanong pagkakasalang crimes against humanity of murder, torture, and other inhumane acts.
Mahalagang maitala ng ICC ang mga kalupitan at karahasang ipinalasap umano nina Duterte sa libo-libong sibilyang walang kalaban-laban nila umanong pinagpapatay.
Sa ganitong paraan, matitigil ang ganitong kahindik-hindik na krimen.
Maselan ang papel na ginagampanan ng mga biktima at saksi upang di na muli pang maulit ang ganitong kagimbal-gimbal na pandarahas ng mga makapangyarihan, di lamang sa atin bayan, kundi maging sa iba pang panig ng mundo.