ITO ang nasambit ng isang ina na aking nakasabay sa palengke, habang pumipili kami ng mga gulay.
Tama naman siya at umayon din ang mga kasabay naming mamimili.
Paano nga ba maging hindi mahirap?
Depende kung sino ang sasagot, karaniwang tugon sa tanong na ito ay ang pag-iwas sa pagbili ng mga pagkain o gamit na hindi kailangan. Ito yung sinasabing “wants versus needs.” Kailangan ko ba ito o gusto ko lang.
Madalas din na sagot ng iba ay ang tamang pag-budget, gaya ng paggawa ng lingguhang listahan ng kakainin ng pamilya.
May magsasabi rin na magtabi na ng kaunting halaga bago gumastos.
Sa totoong buhay, mahirap sundin ang ganitong mga advise, lalo na kung ang kinikita ng padre de pamilya o ng madre de pamilya o ng mag-asawa ay nasa minimum wage na P610 kada araw. Ano nga naman ang itatabi kung sa basic services lang ay kulang na?
Sa totoong buhay rin, kung ano ang kayang bilhin ng kakarampot na sweldo, yun ang gagawin. Maitawid lang ang pang-araw-araw na pagkain, pagkakasyahin sa mga miyembro ng pamilya ang konting gulay, konting sahog, at maraming sabaw.
Ayon sa IBON Foundation, kulang ang arawang nominal wage na P610 para sa pamilyang may limang miyembro.
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, apektado lahat ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Nito lang Setyembre, umabot sa 6.1 percent ang inflation rate. Medyo mataas ito.
Bumama man ang presyo ng krudo ay hindi natin nararamdaman dahil kakarampot nga lang.
Upang makapamuhay nang maayos at komportable, sinabi rin ng IBON Foundation na kailangang nasa P1,186 ang nominal minimum wage ng isang manggagawa na may limang miyembro sa pamilya.
May matitira pa ba sa P610 kung isasama sa halagang ito ang bayad sa inuupahang bahay, pamasahe, bayad sa kuryente at tubig, at pang-load sa cellphone? Wala pa rito ang pambili ng gamot sakaling may magkasakit.
Sa halagang P1,186, mas malamang ay may matirang konting halaga para sa savings.
Mahirap nga ba maging mahirap?
Naniniwala ako na maaaring umasenso ang buhay kung tama ang paggamit ng pera. Iba-ibang estilo. Iba-ibang pamamaraan ng pagtiitpid.
At dahil pangarap pa lang sa ngayon kung maibibigay ang P1,186 na nominal minimum wage, kailangang mag-isip tayo ng sideline pandagdag sa maliit na budget.
Hindi habambuhay ay aasa tayo sa ayuda. Ayon nga sa kasabihan, kung gusto may paraan, kung ayaw maraming dahilan.
Alin ka diyan? Maparaan o madahilan?