ISANG malaking bagay kung pormal na magdedeklara si Senator Grace Poe sa kung sino ang kanyang babasbasan o bibigyan ng endorsement sa mga kandidatong kasalukuyang tumatakbo sa pagkapresidente.
Kung nagawang suportahan ng mga dating pangulo na sina Erap Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo si dating Senator Bongbong Marcos, nararapat din sigurong mamili si Grace ng kanyang babasbasang presidential candidate.
Napakahalaga at napakalaking tulong ang gagawing pormal na endorsement ni Grace sa isang kandidato. Ang kanyang mga supporter kabilang na ang libo-libong tagahanga ni Fernando Poe Jr. ay naghihintay lamang ng hudyat kung sino ang kanyang susuportahan sa pagkapangulo ngayong darating na May 9.
Hindi kayang pasubalian na hanggang ngayon ang tinatawag na lakas o karisma ni FPJ sa kanyang mga supporter ay nagpapatuloy at hindi kailanman bumibitaw sa pagsuporta sa anak nitong si Grace.
At sa sandaling magdesisyon at tukuyin ng senador ang kandidatong kanyang babasbasan, malamang na magbago ang mukha ng kasaluyang presidential race at maingat o manguna sa puwesto ang pipiliin ni Grace.
Kaya nga, kaabang-abang kung gagawin man ang pormal na endorsement ni Grace dahil hindi malayong maungansan si Bongbong ng susuportahan nitong kandidato sa pagkapangulo.
Halos dalawang buwan na lamang ang natitira sa campaign period at muling masusukat ang lakas ni Grace kabilang na ang suportang gagawin ng mga tagahanga ni FPJ sa sandaling ihayag ang kanyang presidential candidate.
Hindi kailangan mag-alinlangan si Grace, marami ang naghihintay at nag-aabang sa kanyang magiging desisyon. At sandaling gawin niya ito, makasisiguro siya ng higit na tulong na ibibigay ng kanyang mga supporter sa mapipiling kandidato.
Sa ngayon, marami pa rin sa mga tagasuporta ni Grace ang hindi nakalilimot sa kanyang naging desisyong hindi tumakbo sa pampanguluhang halalan. Sa pagkakataong ito, maaaring mapahinuha ang lahat ng mga nagmamahal kay Grace kung pormal niyang tutukuyin ang kanyang pambato.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]