MAINIT na ang bakbakan sa Senado dahil sa umano ay mahal na pagbili ng PPE’s noong 2020 ng administrasyong ito.
Siguro dahil ang mga maiingay ay mga taong mukhang tatakbong Pangulo sa 2022 kaya personal na ang atakihan.
Pero sa gitna ng bakbakan ng akusasyon ng anomalya sa pagbili ng PPE’s may isang isiningit si Presidential Spokesman Harry Roque na sa unang tingin ay walang koneksiyon sa isyu.
Naglabas kasi ng dokumento si Roque na nagpapakita na noong nakaraang administrasyon ay bumili rin pala ang pamahalaan ng PPEs pero sa dobleng presyo.
Sabi ni Senator Franklin Drilon walang kinalaman ito sa isyu ngayon at ito ay isa na namang smokescreen at panlilinlang.
Siguro nga ay yun ang balak ni Roque ng ilabas niya ang dokumento, ang ilihis o patigilin ang usapin sa overpriced PPEs.
Ang hindi gets ni Roque, may unintended consequence ang ginawa niya na dapat ay pagtuunan pansin ng mga magagaling nating senador dahil apektado ang kredibilidad nila sa taumbayan pag hindi nila ito pinansin.
Ilagay natin sa konteksto ang sinasabi natin.
Ang PPEs na binili ng nakaraang administrasyon ay nagkakahalaga ng P3,500 or so. Binili ito at regular market situation and walang pandemya na nagsasabing prime commodity ito.
Ang PPE na iniimbestigahan sa Senado ngayon ay binili at P1,700 or so. Binili ito sa umpisa ng pandemya, na sobrang taas ang demand worldwide at may shortage pa nga ang supply.
Now, according to 4th year High School economics theory of the law of supply and demand, pag madami ang demand pero kokonti ang supply, tiyak na sisirit ang presyo ng commodity.
So, kung walang pandemya noon at normal ang merkado ng PPEs at nabili nila ito sa presyong P3,500 isa, hindi ba hamak na mas mura ang nabiling PPEs ngayong pandemya sa halagang P1,700?
Sabihin na natin na may problema ang pagbili ngayon ng PPEs dahil sa presyo, kung ganon di ba mas malaki ang problema noon dahil sa parehong dahilan?
At kung sasabihin ng mga senador na hindi importante ang issue ng PPEs na overpriced noong panahon ni Noynoy Aquino pero issue siya ngayong panahon ni Duterte, hindi ba inaamin lang nila na sinisiraan lang nila ang Pangulo sa layunin nilang ipalit ang sarili nila sa kanya next year?
Kung sasabihin nila na tama ang P3,500 na PPE noong nakaraang administrasyon at mali ang P1,700 ngayon, may problema tayo.
At sa totoo lang hindi naman bulag ang taumbayan. Alam na nila kung sino ang nanlalansi (sabi nga ni Gordon) at sino ang nagtatrabaho talaga.
Dahil dude, kung P3,500 noong walang pandemya at P1,700 noong meron at halos walang supply, sino ang kawatan at sino ang nagtrabaho nang mahusay?
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]