MAY banta ng mahabang panahon ng tagtuyot. Naging sentro ito ng diskusyon ng mga delegado sa kauna-unahang United Nations Water Conference 2023 na ginanap ngayong ikatlong linggo ng Marso sa New York. Nagkaroon ng workshops at high-level discussions ang mga delegado sa nakikita nilang parating na pambihirang phenomena: ang global water crisis.
Ang deka-dekadang abuso sa paggamit ng tubig, ang overextraction sa groundwater at kontaminasyon ng pinagkukunan ng malinis na tubig ay nagresulta na sa tinatawag nilang ‘water stress.”
Sa pag-aaral, ang parating na mga susunod na taon ay magreresulta sa kakulangan ng sapat na suplay ng tubig na makakaapekto hindi lang sa kalusugan at kagalingan ng pangangatawan ng tao kundi mas higit itong mararamdaman sa paghina ng produksyon ng pagkain.
Dahil sa patuloy na paglobo ng populasyon, sa paglago ng urbanisasyon at sanhi ng climate change, magiging malaking kalamidad ang kakulangan ng suplay ng tubig.
Nakita na ito ng mga lokal na eksperto. Ayon sa isang agriculture scientist ng Universidad ng Pilipinas (UP) na tumangging mabanggit ang pangalan,
“My impression is that Pagasa is making a conservative forecast so as not to scare people.”
Kaakibat nito, nitong Marso 22 ay inihayag ni PBBM na pumirma siya ng isang executive order na nagtatatag ng Water Resource Management Office habang nakabimbin ang panukala sa pagtatayo ng isang Department of Water Resources. Sa isang pagpupulong, sinabi ni PBBM na maraming ahensiyang kabahagi ng water supply at water management sa bansa. Aniya, nais niyang maging sentralisado ang pagpaplano at pangangasiwa ng mga usaping tubig sa bansa. Sinabi rin niyang magiging priority bill ang itatatag na Department of Water Resources.
Inamin ni PBBM na nahaharap ang bansa dahil hindi natutugunan ng pamahalaan ang kakulangan sa tubig. Pinuri niya ang ibang bansa sa tamang pangangasiwa ng rekurso sa tubig, gaya ng bansang Israel na bagamat disyertong bansa ay may maayos na sistema ng patubig. Ito aniya ang praktis na nais niyang tularan ng Pilipinas.
Kinikilala din niya na malaki ang impact sa suplay ng pagkain ang kakulangan sa tubig na aniya ay maari pang magpatindi sa nararanasang kahirapan sa food supply sa ngayon.
Ang El Niño, o mahabang tagtuyot ay inaasahang magdudulot ng malawang krisis sa pagkain dahil ilalagay nito sa posisyong depensiba ang mga magsasakang lumilikha ng pagkain. Dahil inaasahang hindi pa darating ang tag-ulan sa Mayo (sa normal ay dapat may pagpatak na sa Mayo) kundi sa Hulyo o baka Agosto pa, magiging mahirap ang patubig sa mga palayan. Rainfed ang malawak na agricultural areas sa bansa dahil ang tubig mula sa dams ay ginagamit naman sa rasyon ng tubig pang-inom at hindi pansaka.
Ayon sa UPLB crop scientist na si Ted Mendoza, “rainfall usually starts in May during a normal year, but with El Nino, the onset of the rainy season is delayed and usually shifts to August. It starts late and ends early, around late September to October. This is bad news to local farmers since they will be scampering for water to sustain their produce, and which can hardly be accommodated by irrigation. Moreover, during El Nino, very few typhoons enter the Philippine area of responsibility (PAR).
Aniya, bagamat hindi nating gugustuhing dumami pa ang bagyong darating, 70 percent umano sa mga ulan na inaasahan nating sususteni sa mga palayan ay galing sa ulang ipoprodyus ng bagyo. “Absence or lack of such would mean that our multipurpose dams will not be filled with water. Water is preferentially used for hydroelectric generation and for domestic use; and lastly, for crop irrigation.”
Ang tagtuyot sanhi ng EL Niño ay lalong magpapadapa sa kasalukuyang sitwasyon ng mga magsasaka. Bababa ang produksyon sa level na hindi na kapaki-pakinabang. Ayon sa International Rice Research Institute (IRRI) data, upang makapag-prodyus ng isang kilo ng bigas ay nangangailangan ng 5000 litro ng tubig.
Sa inaasahang malawak na depisito sa tubig, magbubukas din ang pintuan ng importasyon at inaasahang hindi ito haharap sa anumang pagtutol ng publiko dahil nga hihina ang lokal food production. Ang tanong nga lang, ang mga Asian countries kaya na pinag-aangkatan ng Pinas ng bigas ay bukas pa rin para magbenta sa atin gayong sila rin ay apektado ng global water crisis?
Naway ang nilikhang Water Resource Management Office ay maging kapaki-pakinabang at hindi mauwi bilang isa na namang ahensiyang gatasan ng mga korap at gahaman. Hindi simpleng problema ang tagtuyot. Hindi maaampat ang pangangailan ng tao sa tubig. Ingatan natin ito ng buong rubdob.