HINDI maganda ang dating sa mga magsasaka at mangingisda ang naging pahayag ni Senador at chair person ng Senate committee on agriculture Cynthia Villar na sila ay “ignorante” sa isyu ng climate change.
Naging mainit sa pandinig ng mga magsasaka at mangingisda ang insensitibong pahayag na ito, na nataon pa sa panahong punong-puno sila ng hinaing kaugnay ng Rice Tarrification Law, importation at mga polisiyang sa tingin nila ay kumikiling sa dayuhang kalakal kesa lokal na produksyon.
Masyadong “sweeping” ang pahayag ng senadora, na dumagdag ng panibagong sama ng loob sa nagnanaknak ng sugat at matagal nang iniinda ng aping hanay.
Maiintindihan natin ang pinaghuhugutan ng galit ng mga magsasaka, lalo pa at personal ang atake na nagmemenos sa kanilang kakayanan.
“Itigil niya ang panlalait sa amin. Kaming mga magsasaka at mangingisda ang unang bumabangga sa epekto ng kalamidad. Ilang beses na namin siyang sinulatan, dinayalogo sa mga isyu na ito tapos sasabihin niyang ignorante kami habang siya ay puro pansariling interes at mga polisiyang anti-farmer ang mga isinusulong? Higit sa lahat, bakit siya nakaupo na chairperson ng komite gayong wala siyang malasakit sa hanay namin?”, pahayag ng isang lider magsasaka mula Gitnang Luzon.
Kolektibong Pagkilos
Dahil sa patuloy na kabiguan ng gobyerno na tugunan ang samu’t saring problemang pang- kalikasan sa mga liblib na komunidad, ang mga magsasaka, mangingisda at environmental activists ang hindi bumibitaw sa pagkilos para pigilan ang ilegal na estrakto (extraction), eksploitasyon, at malawakang paninira sa yamang lupa at yamang dagat ng bansa.
Sa nakalipas na mga panahon, niyayakap at sinusuportahan ng ibang sektor ng lipunan gaya ng kababaihan, kabataan, akademya, propesyonal siyentista, katutubo, artista, ang lumalaban na sektor na ito na nagtataguyod ng malusog na ekolohiya alinsunod sa Declaration of Principles and State Policies ng ating Konstitusyon.
Sa napakaraming laban patungkol sa mga isyu ng bayan, lagi-laging naririyan ang mga magsasaka at mangingisda.
Writ of Kalikasan
Hindi lang paniniguro na may sapat na pagkain sa hapag ang isinusulong ng mga magsasaka at mangingisda. Sa katunayan, lagi silang nasa forefront maging ng mga labanang legal.
Kasama sila ng mga abugado, NGOs, concerned citizens at advocacy campaigners sa paghahain ng mga kaso upang pigilan ang mga abusadong pribado at publikong mga kompanya na nagsasamantala sa kalikakasan at nagmamalabis sa kanilang katungkulan.
Sa katunayan, kamakailan lamang ay nag isyu ng paborableng kautusan na writ of kalikasan at writ of continuing mandamus ang mataas na hukuman laban sa National Solid Waste Management Commission patungkol sa masamang epekto ng plastic pollution. Kinilala ng Korte Suprema ang 52 petitioners na kinabibilangan ng mga magsasaka at mangingisda bilang tagapangalaga o stewards ng planetang Earth.
Nabalitaan ko rin mula sa aking kaibigang crop scientist ng UPLB na si Prof. Ted Mendoza ang paghahain din nila ng writ of continuing mandamus laban naman sa mapanganib na mga gulay na genetically modified.
Lumalaban ang ating mga magsasaka sa isyu ng mga dayuhang utang, ilegal na pagmimina, illegal land conversions at large-scale reclamations.
Ignorante pa sila sa lagay na iyan?
Nilinaw naman ng senadora na hindi totoo ang akusasyon sa kanya ng mga magsasaka na wala siyang malasakit sa kanila. Na agad ding sinagot ng hamon ng mga magsasaka. Anila, kung talagang may malasakit ang senador, panahon na para isulong niya ang House Bill 405 o Rice Industry Development Act (RIDA), na naglalayong tumugon sa panawagan ng lokal na mga magsasaka na ibalik ang kapangyarihan sa National Food Authority (NFA) upang matiyak ang sapat na suplay ng ligtas na pagkain, lalo na ng bigas.
Imbes na alipustain, kagyat na suporta at subsidyo ang nararapat para sa mga magsasaka at mangingisda.
Imbes na maliitin ang kanilang kakayanan, dapat ding kilalanin ang kanilang kontribusyon sa mga pambansang polisiya at legal na aksyon na kanilang nilahukan at patuloy na isinusulong.
Pinakamataas na pagpupugay sa mga bayani sa sakahan!
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]