APRUBADO na sa Senado ang panukalang P100 across-the-board wage increase para sa mga pribadong manggagawa, habang pinag-uusapan pa sa Kamara kung P150 o P350 ang dapat na ibigay na umento sa arawang sahod.
Sa ngayon kasi, nasa P610 lang ang arawang sweldo ng isang manggagawa.
Aminin natin na hindi sapat ito lalo pa at patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Kinalulugod ni Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Partylist, na bukas ang liderato ng Kamara na talakayin ang dagdag sa arawang sahod ng manggagawa.
Subalit para sa kanya, ang nararapat na umento sa sahod ay P750 dahil ito ang tunay na solusyon sa tinatawag na living wage gap.
Hindi sapat ang P100, P150 o kahit na P350 pa na umento.
Ayon sa pag-aaral ng IBON Foundation, dapat ay nasa P1,194 ang arawang sahod ng isang pribadong manggagawa upang matugunan ang mga pang-araw-araw na pangunahing pangangailangan ng isang pamilya na may limang miyembro.
Sa totoo lang, kawawa ang ordinaryong manggagawa dahil bukod sa matagal bago magkaroon ng umento sa sahod, maliit ang halaga na ina-aprubahan ng wage board.
Hindi ko rin naman masisisi ang mga negosyante kung tumututol sila sa legislated wage hike. Mapipilitan silang itaas ang sahod ng kanilang mga empleyado, no excuses, ‘ika nga. Kung hindi naman gagawing batas ang wage hike, kakarampot na halaga ang madaragdag sa sahod.
Dapat ding isipin ng mga negosyante o may-ari ng mga kumpanya na kung walang manggagawa, walang asenso ang kanilang negosyo.
Marahil ay panahon na para naman gawing priority ang kapakanan ng mga manggagawa.
Pag maganda ang pasahod, hindi nila maiisip mangibang-bansa, hindi nila maiisip na magpalipat-lipat ng trabaho, lalo pa kung maganda ang mga benepisyong ibinibigay.
Matagal nang exploited ang ating mga manggagawa. Matagal na rin nilang pinaglalaban na taasan ang sahod. Panahon na para bigyan ng magandang dignidad ang manggagawang Pilipino.
Parehong makikinabang ang mga negosyante at mga manggagawa pag maganda ang pasahod.
Isipin na lang ng mga mambabatas na kung walang manggagawa, maliit ang makukuhang buwis na siyang ginagamit para sa kanilang libu-libong sahod.
Sana ay magkasundo ang dalawang kapulungan kung ano ang tamang halaga ng umento sa sahod. Yung makatao, yung makatarungan. Yung hindi ginipit, yung hindi binarat.