DAPAT ang mga botante na ang kumilos at tuluyang hindi iboto ang mga politikong matatawag na garapal at epal dahil sa ginagawang maagang pangangampanya kahit napakalayo pa ang nakatakdang eleksyon.
Kung tutuusin, halos isang taon pa bago ang 2025 midterm polls, pero ngayon pa lang, ang ilang reeleksyonistang senador ay wala nang tigil sa pag-iikot sa mga probinsya at patuloy sa pagpapakalat ng kani-kanilang mga tarpaulin.
Ang nakatatawa pa nito, naglalakihang mga larawan ng mga epal na pulitiko ang bubulaga sa makakakita ng kanilang tarpaulin na kasalukuyang naglipana sa mga lungsod, munisipalidad, barangay at sitio.
Pansinin si Senator Bong Go, nitong nakaraang Disyembre, nawindang na lang ang lahat dahil sa halos palibutan na nito ang buong Pilipinas ng kanyang tarpaulin na merong Christmas greetings.
Noong Mahal na Araw naman, tinadtad din ni Go ang Metro Manila at karatig lalawigan ng kanyang tarpaulin na may mababasang… “ingat po tayo sa biyahe!” Bakit, kaylan pa kaya naging opisyal si Go ng DOTR, LTO, MMDA at LTFRB?
Kengkoy naman itong si Senator Imee Marcos, at lahat na lang ng okasyon tulad ng fiesta, festival, convention, beauty contest, anniversary at pati marker ng itinayong building ay kanya na ring dinaluhan. Diyos ko, hindi ba nahihilo itong si Imee sa dami ng event na kanyang pinupuntahan? Kalma lang, ma’am!
Hindi rin pahuhuli si Imee kung tarpaulin ang pag-uusapan dahil sa madalas pagmumukha na lang ng senadora ang makikita sa mga lugar sa Tagbilaran, Bohol pati na sa Iloilo, Bacolod at mga kalsada sa Ifugao.
Bukod kina Go at Imee, ang iba pang mga reeleksyonistang senador tulad ni Senator Lito Lapid at ni Senator Francis “Tol” Tolentino ay madalas na rin nakikita ang mga tarpaulin sa NLEx.
At sa mga susunod na linggo, asahang lalong mamumutiktik ang mga tarpaulin sa mga kalsada sa Metro Manila at probinsya dahil siguradong hindi magpapahuli ang ilang pulitikong kakandidato bilang senador.
Kaya nga, nasa mga botante na kung nararapat pa bang iboto ang mga pulitikong tinatawag na garapal at epal dahil lumalabas na panlalamang ang kanilang ginagawa para masiguro ang panalo sa darating na halalan.