BRANDING ang tawag sa paglikha ng isang kakaibang imahen o identidad na itutulak para maalala ng tao kung ano ang misyon at bisyon ng naturang bagay, produkto o konsepto na iniintrodyus sa publiko.
May mga klase ng branding na agad natatandaan o kinagigiliwan ng publiko. Meron ding klase ng branding na hindi nakakalikha ng kahit maliit na interes sa tao.
Ito ay dahil sa karanasan, hindi kakaiba o hindi mapangahas ang naturang branding. O talagang “walang kaluluwa”, walang dating, wala itong sipa.
Sa aking limitado at di perpektong pananaw, trying hard at exaggerated ang pagsasalarawan sa konseptong pinalulutang ng kasalukuyang administrasyon na “Bagong Pilipinas.”
Bukod sa hindi ito kakaiba (katunayan may nauna nang grupo, isang NGO-ang Alyansa para sa Bagong Pilipinas- na nagtangkang lumaban sa monopolyo sa kuryente) na gumagamit ng naturang identidad o brand.
Mararamdaman sa pangalan pa lamang ng grupo kung gaano karubdob ang kanilang paglaban sa mga katiwalian sa power sector. Kaya sa larangan ng kuryente, kapag binanggit ang Alyansa para Sa Bagong Pilipinas o ABP, alam ng mga power providers, electric cooperatives, government agencies involved in energy, konsyumer at iba pang stakeholders kung ano ang tatak o brand ng mga kumakatawan sa ABP.
Sa branding na “Bagong Pilipinas” ng kasalukuyang gobyerno, walang kakurap-kurap na nagdrowing ng tila kulay-rosas na larawan ang kasalukuyang administrasyon upang ilihis ang naghihirap na mga mamamayan sa totoong mas humihirap nating panlipunang kalagayan.
Ang masaklap, madaling ma-fall, ika nga- sa mga ganitong branding ang mga Pilipino. Kung yung P20 na presyo ng bigas nga agad kinagat at nagresulta pa sa pagiging bulag sa totoong kakakayan ng pulitiko, kataka-taka pa bang patuloy na aasa, maniniwala, kakapit sa walang laman na mga pangako ng mga nasa poder ang hikahos na si Juan o Juana de la Cruz?
Pero ano nga kaya ang nais tutukan at patampukin sa “Bagong Pilipinas”? Anu-anong mga istratehiya ang sinusubukan ng dalawang-taon na pamamahala ni PBBM para lumago ang ekonomiya at ang naturang paglago ay dumausdos sa pinakamahihirap na sektor ng lipunan?
Sa unang tingin tila umaarangkada na ang ekonomiya ng Pilipinas. Lumalago ang mga malalaking negosyo at nagsisipagbitaw ng kapital ang mga dayuhang kapitalistang namumuhunan sa bansa.
Pero sa masusing pagtingin, tila hindi ganito ang totoong senaryo.
Bagamat may kakayanang umunlad ng ating bansa, hindi ito nangyayari dahil nasasagkaan ito ng malawakang korapsyon ng ilang nasa poder.
Noong nag SONA (State of the Nation Address) sa pangalawang pagkakataon, ipinangalandakan ng gobyerno ang mga macroeconomic figures bilang achievements na tila ipinapamukha sa mga kritiko na hindi nagkamali ang mga botante sa pagluklok sa kanya sa puwesto. Na tila ba panatag na ang landas ng pag-unlad para sa Pilipinas.
Subalit ang kakatwa, sa analisis ng mga independent economists at mga mananaliksik, salungat sa pinapatampok na masiglang macroeconomic figures sa nakalugmok at patuloy na pagkalugmok ng ekonomiya na tagos sa sikmura ng taumbayang hindi na makaagapay sa taas ng bilihin at pagbagsak ng halaga ng piso.
Maipamamalas ang kahungkagan ng kasalukuyang ipinagmamalaking paglago ng ekonomiya, ayon sa Ibon Databank, sa kung paanong hindi ito lumilikha ng trabaho para sa nakararami. Hindi umano binabanggit ng administrasyon na kasabay ng penomenon ng diumano bumababang unemployment rate ang bumababa ring labor force o ang puwersa ng paggawa.
Bumaba ito ng 1.6 milyon noong Nobyembre 2023 kahit patuloy na lumalaki ang populasyon ng nasa edad na para magtrabaho. Sinasabi ng mga economic managers na kesyo dumami raw ang bilang ng mga estudyante, maybahay, at matatanda na nagdesisyong hindi na maghanap ng trabaho.
Ang totoo, hindi boluntaryo ang desisyong huminto sa trabaho. Katunayan, marami ang nasiraan na ng loob sa paghahanap ng trabaho.Tinatawag o nasa kategorya sila ng discouraged workers, at hindi na binibilang bilang unemployed. kaya sinasabing bumaba ang unemployment rate ng bansa. Tinatayang nasa apat na milyon ang bilang ng totoong unemployed o walang trabaho.
At kung pinalad man na mapabilang sa workforce, ay mababa at hindi makakapamuhay ng disente ang suweldo rito.
Bukambibig ng gobyerno, kasabay ng pagpapatampok sa branding nito na “Bagong Pilipinas”, ang bumubuting kalagayan ng ekonomiya ng bansa. Pero hindi rin nito binabanggit ang pagbagsak ng empleyo sa manupaktura at maging sa agrikultura.
Ibinibidad ang paglawak ng foreign investments, pero hindi binabanggit ang mga nagsasarang lokal na industriya na di makasabay sa matunding kompetisyon sa dayuhan. Paborable ang krisis sa trabaho para mapanatili ang mababang pasahod at sa gayon ay lalo pang makaakit ng dayuhang investors.
Eksaherado ang mga numero na pinapalutang sa “Bagong Pilipinas”. Tumaas man ang nakubrang rebenyu ng pamahalaan, hindi ito napapakinabangan ng mamamayan at bagkus ay pinapakinabangan lamang ng iilan.
Paulit-ulit mang gumawa ng branding, sa huli ang nararamdam na kalam ng tiyan ang magpapasya kung talagang ang gobyerno ay may ginagawa.