PARANG Pasko nitong nakaraang araw ng Linggo. Kahit saang pasyalan magpunta, may batang makikita.
Naglisaw sa mga liwasan, pambansa man o lokal.
Muling sumilay ang mga inosenteng ngiti, ang mga matang nagniningning na parang estrelyang nakaalpas sa madilim na ulap, hanggang ang dating impit na ngiti’y naging hindi matapos-tapos na hagikgik.
Pero mayroon din mga matang nagtatanong. Mula sa apat na sulok ng malamig na kuwarto’y biglang bumungad ang tila walang sukat na hardin.
Ang langit at ulap na hindi maarok kung hanggang saan ang hangganan. Ang kalsadang hindi matapos-tapos at tila hindi maputol-putol ang mga nagdaraang sasakyan.
Walang takot na sumakay sa duyang bakal saka iniugoy nang malakas. Bumitin, umakyat, inakyat-baba, hinakbangan, tinalon ang iba’t ibang anyo ng baras.
Humulas, natigmak ng pawis, pinunas ng braso ang uhog sa ilong patungo sa pisngi, saka tumakbo at muling umakyat sa silya upang abutin ang timon.
Napagod, sumalampak sa bangketa, saka pinanood ang mga kapwa batang tila lumilipad sa kanilang skateboard. May mga naghahabulan at tila naglalaro ng mataya ang taya (touch and go).
May mga batang nagbisikleta, sumakay sa kalesa, o nangahas tumulay sa makakapal na moog.
Nagpaligsahan sa kanilang OOTD (outfit of the day) ang mga teenager saka rumampa para itanghal ang kanilang bagong TikTok sa social media.
Matapos ianunsiyo na maaari nang lumabas ang mga batang edad 5-anyos pataas, literal na nagpiyesta ang mga bata at kabataan.
Sumilay ang mga ngiting matagal nang tinamilmil ng pandemya.
Ang harot at likot na ikinulong sa apat na sulok ng bahay ay parang tubig sa dam na biglang umalpas saka umagos sa iba’t ibang direksiyon.
Sa bawat lugar na pinuntahan, tila nagtulos ng alaala. Ipininta sa bawat selfie at groupie ang ‘kalayaang’ tinikman sa panahong mapusyaw pa ang katiyakan.
Lahat sila, tila nagluksong-tinik sa pandemya.