LTO officials hati nga ba sa LTMS issue?

Upfront/Jay Julian

WELCOME to Upfront, my first column after hibernating for quite a while.  

Bagama’t hindi naman tayo totally nawala sa sirkulasyon sa media, maituturing ko pa rin itong isang pagbabalik sa mundo ng pagsusulat.

Salamat sa Pinoy Publiko at binigyan tayo muli ng pagkakataon na makapagsulat at maibahagi ang mga kuro-kuro, pananaw, at balita sa mga samu’t saring usapin sa bansa.

Ang salitang Upfront, tulad ng kahulugan nito sa Diksyonaryo, ay maglalaman ng mga diretsahang pananaw sa likod ng mga balita upang mabigyan ang sambayanan ng mas malawak at malalim na impormasyon at pang-unawa sa mga maiinit na isyu sa bansa.

Layunin nating mabigyan ang ating mambabasa ng isang matalinong pagbalanse at paglikha ng opinyon sa mga usaping nakakaapekto sa buhay ng bawat mamamayan. Kaya samahan ninyo ako sa bawat artikulo na ating isusulat at asahan ko ang inyong pagsubaybay. Merci!

***

Malakas ang bulong-bulongan sa business community na may nagaganap na power struggle dyan sa Land Transportation Office (LTO) patungkol sa usapin ng Land Transportation Management System (LTMS) nito na may kinalaman sa motor vehicle registrations and renewals.

Malakas umanong isinusulong ng isang opisyal ng LTO ang pagkansela sa kontrata ng IT service provider na Dermalog dahil sa pagkabalam sa pag-iisyu ng renewal ng rehistrasyon ng mga sasakyan, kabilang na ang plaka ng mga bagong sasakyan at mga driver’s license.

May mga pagbabanta na ipakansela ang kontrata ng German firm na Dermalog at isinusulong na ibalik ang dating service provider na Stradcom Corporation, ang orihinal at unang IT service provider ng LTMS ng LTO.

At mukhang lumalakas ang puwersa ng mga nagsusulong na kanselahin na nga ang kontrata ng Dermalog-led joint venture sapagkat hindi lamang daw isang opisyal ng LTO ang pasimpleng nagsusulong nito kundi may mga kaalyado rin sa Kongreso na nanawagan para rito.

At mukhang may “galawan” nga para makansela ang kontrata ng German firm dahil nitong mga nakaraang buwan, may nagsumite ng petisyon sa Korte Suprema para kanselahin ang P3.19 bilyong kontrata ng LTO sa Dermalog kasama na rin ang kahilingang mag-isyu ng temporary restraining order na magpapahinto sa LTO na bayaran ang IT service provider para sa “maintenance fees, change orders and any other billables and receivables” ng huli. 

Nababahala naman ang ilang foreign investors sa ganitong pangyayari sapagkat maaaring sa mga susunod na panahon ay possible anilang ilan pa sa mga kasamahan nila ang tamaan ng ganitong sistema; yung matapos na makakuha ng kontrata sa gobyerno ay mauuwi rin pala sa kanselasyon na anila’y hindi magandang senyales para sa mga dayuhang namumuhunan.

Ikinababahala ng mga dayuhang namumuhunan ang posibilidad na maulit sa Dermalog ang naging karanasan ng isa ring German company, ang Fraport A.G. na magugunitang nagtayo ng NAIA Terminal 3. Dahil sa pulitika at sa pagsasalin ng kapangyarihan mula sa administrasyong Ramos, Estrada, at hanggang sa panahon ni dating Pangulong Arroyo, ang kanilang multi-milyong dolyar na kontrata ay nauwi sa wala matapos itong kanselahin sa samu’t saring mga dahilan.

Sa isang pagtitipon ng isang foreign chamber kamakailan, may lumutang na pangalan ng isang opisyal ng LTO na sinasabing masugid na nagsusulong para sa kanselasyon ng kontrata ng Dermalog na anila’y hindi sinasang-ayunan ng ibang opisyal ng ahensya.

Para buhusan ng malamig na tubig ang umiinit na paksyon dyan sa LTO patungkol sa usaping ito at maibsan ang mga sitsit na may kanya-kanyang “galawan” sa likod ng magkakatunggaling pananaw na ito ng mga opisyal, diretsahang ipinahayag sa hearing ng House Committee on Transportation kamakailan ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza na hindi nila kakanselahin ang kontrata sa Dermalog.

Aniya, wala silang kakayahang patakbuhin ang LTMS at higit lang aniyang lulubha ang problema sa motor vehicle registration and renewals kapag ginawa nila ito.

Bagama’t natutuwa ang international business community sa tuwirang pahayag na ito ng LTO, hindi pa rin anila nawawala ang kanilang agam-agam sa posibilidad ng mga pagbabago sa polisiya ng pamahalaan. At huwag naman sana sapagkat mas mahirap na magkaroon ng capital flight at maungkat ang usapin ng red tape at corruption sa bureaucratic processes na matagal nang hinaing ng mga namumuhunan sa bansa.

More than the issue of red tape, corruption, and infighting within the LTO, mukhang may dapat naman talaga yatang ipaliwanag ang Dermalog. Parang nakakabingi lang ang katahimikan.

***

SUSUNOD: Standoff ng dalawang tycoons sa NAIA Terminal… Abangan!