Site icon Pinoy Publiko

LRT fare hike: Panibagong dagok sa komyuter

PUBLIC utility ang Light Railway Transit or LRT.

Ang ibig sabihin ng public utility ay pampublikong uri ng transportasyon na pang-masa dahil di hamak na mas magaan  sa bulsa ng ordinaryong Pinoy ang ganitong uri ng transportasyon.

Ang pahayag kamakailan ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) na magtataas ng pamasahe sa Abril 2 ay makakadagdag sa kasalukuyang pighati ng mayoryang komyuter sa napakaraming kabulukan ng sistema ng transportasyon sa bansa.

Magtataas ng P10 o mula P45 to P55 ang maximum, habang sa minimum ay P5 ang itataas o mula P15 hanggang P20.

Malaking kabawasan ang P20 sa salat na salat na badyet ng minimum wage earner.

Aabot din sa P520 kada buwan ang dagdag na gastusin kung kukuwentahin ang 26 araw na pasok sa trabaho times P20 na dagdag pasahe.

Para sa mga ordinaryong komyuter, mabigat na ito sa kanilang limitadong badyet.

Sa ilalim ng kasunduan sa pagitan ng Department of Transportation  at ang pribadong korporasyon Light Rail Manila Corporation- isang consortium ng mga Ayalas at Pangilinan group, at ng banyagang mga korporasyon na Sumitomo at Macquarie Holdings, pinapayagan ang petisyon sa pagtaas ng pamasahe sa LRT.

Prayoridad ng mga naturang kompanya ang matiyak na may maisubing tubo at sustenidong kita, imbes na ikonsidera ang LRT bilang pampublikong transportasyon na may kaakibat na layunin para sa serbisyo publiko.

Sa obserbasyon ng Ibon Foundation, bigo ang public transport system ng bansa na tugunan ang masalimuot na mga isyu ng transportasyon– gaya ng di naiibsan na trapiko at mahahabang pila ng mga mananakay, phaseout ng traditional jeepneys at ang planong pag-aalis din sa Edsa Carousel.

Problema rin ang napakatataas na overpass, na akala mo itinayo lang para may paggamitan ng pondo ng gobyerno,  at hindi upang  maging tawiran ng tao.

Pagpapabaya sa komyuter ang malinaw na resulta ng kawalan ng accessible at affordable means of transportation gaya ng LRT, kaya napipilitan ang mga mananakay na tiisin ang napakahahabang pilahan (sabi ng isang komyuter, inaabot ng apat na oras sa pila lalo na kung rush hour na uwian),  tiisin ang nakakasulalasok na amoy ng sidestreets o  maruruming kalsada, baybayin ang napakataaas na overpass na animo ay umaakyat ka ng bundok na may 400 MASL.

Puro reklamo na ang komyuter sa bingi-bingihang mga ahensiya ng gobyerno sa ibat ibang hamon na hinaharap ng komyuters. Bingi-bingihan dahil naririnig nila ang mga hinaing na ito ngunit patuloy na pinapaboran ang interes ng malalaking business consortium.   

Karapatan ng komyuters  na tratuhin ng may dignidad at mabigyan ng ligtas, makamasa at episyenteng public mass transport na maaasahan, environment-friendly at inuuna ang kapakanan ng mayorya. Kung napagtagumpayan ito ng mga banyagang bansa, maari ding mapagtagumpayan dito sa bansa ang public mass transport.

Isang people-centered transport system ang kailangan ng bansa, hindi isang profit-making venture na walang pakialam sa kapakanan ng komyuters.

Exit mobile version