‘Lockdown babies’

KARAMIHAN sa higit 100 na mga Pinay na nakalipad papauwi sa Pilipinas nitong mga nagdaang buwan sa tulong ng repatriation program ng Department of Foreign Affairs (DFA) ay mga single mothers na nabuntis sa panahon ng mga lockdowns noong isang taon, ayon sa isang mataas na opisyal ng DFA.

Sinabi ng aking impormante sa DFA na mga OFWs po ang mga ito, na ang ilan ay mga kasambahay, na nagdesisyong umuwi na lamang at sa Pilipinas na manganak dahil, una, wala silang trabaho dito sa Dubai; at pangalawa, wala na rin ang kani-kanilang mga nobyo na ang karamihan ay mga “ibang lahi” kung tawagin natin – missing in action, kumbaga.

“They flew before their due date,” sabi pa ng opisyal.

May kani-kanilang patakaran ang mga airlines sa pagtanggap ng mga buntis na pasahero.

Karamihan ay humihingi ng clearance mula sa doktor at ang iba naman ay hindi nagsasakay kung kabuwanan na.

Ibig sabihin, tinatayang hindi lalagpas sa ika-walong buwang pagbubuntis ang mga ginang; kaya nga naman nabansagan silang “lockdown baby” case dahil malamang nabuo ang pagmamahalan sa panahon ng lockdown noong isang taon o di kaya’y sa mga buwan na na-lift na ang lockdown ngunit wala namang kagyat na trabahong mapasukan.

Sa pinakahuling bilang, umabot na sa mahigit 6,000 OFWs ang nag-file ng request for repatriation sa konsulado ng Pilipinas dito sa Dubai, ayon kay Consul General Paul Raymund Cortes.

Nagsimula ang mass repatriation nitong Hunyo. Ayon kay Cortes, 2,500 OFWs na ang nailipad pabalik ng Pilipinas mula ng buwang iyon. Sinabi pa nya na may apat na repatriation flights ang inaayos para sa buwang ito ng Agosto.

Dati’y bawal na bawal para sa isang babae dito sa UAE, isang Islamic country, na magbuntis nang hindi kasal. Kamakailan ay linuwagan ng gobyerno ang patakarang ito at pinahintulutan na ang mga magkasintahan na magsama nang hindi kasal – ibig sabihin mai-rerehistro na ang kanilang magiging anak.

Dati kasi, kulong at deportation ang kaharap ng babaeng nabuntis nang hindi kasal. Kasama rin ang kanyang anak, na hindi mairerehistro dahil nga walang legal status, sa pag-uwi.

Dulot nito, dumagsa ang mga tinatawag na “baby cases” sa konsulado at embahada.

Marami ring kaso ng mga sanggol na inabandona ng kanilang ina matapos maipanganak sa ospital. Sa mga ganitong pagkakataon, nakikipagtulungan naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa UAE government upang maiuwi ang bata at maipa-ampon.

Meron na rin akong nakapanayam na mga inang pinalaking patago ang mga anak nilang isinilang nang walang ama. Nakakaawa kasi walang bakuna, walang edukasyon kasi undocumented – hindi kabilang sa lipunan.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]