Linyahang FPJ

AT sino ba ang makalilimot sa mga linyang…

“Di ako kumakain ng bigas, Major. Sinasaing ko muna para maging kanin! Ikaw Major, bigas pa lang kinakain mo na.”

“Sabihin mo na ang gusto mong sabihin, pero gusto kong malaman mo na huwag ka munang magpaikot, Hindi pa tapos ang laban!”

“Kung sa Cavite ‘di ka nagsisimba, dito sa Tondo magsisimba ka nang may bulak sa ilong.”

“Ang problema sa ‘yo, maaga kang ipinanganak.” Sharon: Ang problema naman sa ‘yo, huli kang ipinanganak.”

Oo, ilan lamang yan sa mga binitiwang salita ni Fernando Poe Jr. sa kanyang mga pelikula na hanggang ngayon ay patuloy sa alaala at kamalayan ng simpleng mamamayang nagmamahal sa Hari ng Pelikulang Pilipino na si Da King.

At ngayon araw, Miyerkoles, Disyembre 14, ang ika-18 anibersaryo ng kamatayan ni FPJ. Taong 2004, ganap na 12:01 ng madaling araw, sa edad na 65 nang bawian ng buhay sa St. Luke’s Hospital, Quezon City. Stroke na nagresulta sa cerebral thrombosis at multiple organ failure ang dahilan ng pagkamatay ni Da King.

Kung matatandaan, sa kanyang burol sa Sto. Domingo Church, milyon-milyong katao ang dumagsa at nakiramay, at sa mismong araw ng libing ay hindi iniwan ng mga tagahanga si Da King hanggang maihatid sa kanyang huling hantungan sa Manila North Cemetery.

Inaasahang magtutungo ngayon ang mga tagasuporta sa puntod ni FPJ para gunitain ang naging buhay ng kanilang idolo kasabay ng pagdating ni Senator Grace Poe at ang kanyang anak na si Brian Llamanzares.

Mahabang panahon na rin ang nakalilipas mula nang bawian ng buhay si FPJ pero magpahanggang sa ngayon ay nagpapatuloy at hindi nawawala ang pagmamahal na ibinibigay sa kanya ng mga tagahanga.

Pero kung tutuusin, dapat ay patuloy na ipagluksa ang naging kamatayan ni FPJ. Marami ang naniniwala na ang sinasabing pandaraya kay Da King noong 2004 nang tumakbo bilang pangulo laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang naging dahilan ng kanyang kamatayan.

Kaya nga, talagang hindi pa tapos ang laban at ang paghahanap ng hustisya ng pamilya ni Grace ay kailangang ipagpatuloy kabilang ang anak nitong si Brian, ang tinaguriang… Apo ng Panday!


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]