Ligtas ba talaga ang e-wallet?

SO, ayun si Pokwang, todo iyak dahil nalimas umano ang P85,000 na nasa kanyang GCash.

Kung hindi pumiyok si Pokwang, isang celebrity, magsasagawa kaya ng pagsisiyasat sa umano ay unauthorized transactions na ito?

Malamamg dedma.

Bago pa ang balita, marami nang nakaranas ng kuwestiyonableng mga transaction sa GCash. At kung nasolusyunan ba ang mga ito ay isa pa ring malaking katanungan.

Ang GCash ang nangungunang mobile payment platform sa bansa.

Sa pamamahala ng microlender Fuse Lending,  mayroong nakatala na higit 94 million registered users ang GCash as of end quarter ng 2023.

Tanggap ng mahigit anim na milyong mga restawran, convenience stores, shopping malls, government institutions,  at iba pang negosyo ang GCash bilang porma ng pagbabayad.

Bawat transaction ay may kasamang charges. Bilyon ang kita kada buwan ng naturang e-wallet/online bank. GCash na ang kultura sa usaping pampinansiya. Convenient at mabilis, ito na ang kinikilalang best option ng mga konsyumer.

Sa katunayan, pinarangalan kamakailan ang president at CEO nito na si Martha Sazon, dahil ang GCash ang tinaguriang No. 1 Finance Super App in the Philippines.

At alam ba ninyong international na ang GCash? Puede na itong gamitin kung ikaw ay Pinoy na nasa abroad at gumagamit ng Phillippine -issued or non Phillippine-issued SIM.

Maraming iba’t ibang charges sa magkakaibang transakyon ang GCash. Para sa cash-ins, P15 kada P500-P1000. Mas mataas na cash-in, mas malaki ang charges. May charges din sa paglo-load, sa cash transfer, sa games, withdrawals, pagbabayad ng bills. Lahat na lang!

Minsan ay na-iproposed ko na bakit walang regulasyon sa mga charges ng GCash?

Para kasing sobra-sobra ang charges. Totoong kailangang kumita dahil negosyo ito, subalit kung susumahin, masa- shock ka sa kung gaano kalaki ang sinisingil ni GCash para sa “convenience” mo na huwag pumila physically sa mga payment centers.

Siguro dapat na ring tingnan ito ng Bangko Sentral ng Pilipinas, ng Securities and Exchange Commission, ng ating mga mambabatas o ng kung anong sangay ng gobyerno na responsible sa mga virtual banks.

Kung tumatabo ng kita ang GCash at malamang nagbabayad ng sapat sa mga computer engineers at IT nito, bakit kaya nagkakaroon pa rin ng glitches?

Sa mga natanong ko tungkol sa GCash, nalaman kong may mga empleyado ang GCash na tinanggal dahil sa pagnanakaw. Wala akong resibo rito kundi kuwento lamang at hindi ko rin makita sa Google kung may mga nadesisyunang kaso tungkol dito.

Mga kuwento na maaaring makabuo ng konklusyon na kung ano man ang mga nangyayaring unauthorized transactions sa mga GCash users, ang tanging makakagawa lamang ay mismong mga nagtatrabaho rito na siyang nakakakita ng bawat record ng transaksyon ng users. Sila rin lang ang tanging mga kamayna  makakapagmanipula sa mga record, kung nanaisin nila.

Hindi ko tuloy maiwasang ikumpara ang GCash sa PayPal.

Mas matanda ang PayPal kung tutuusin. Noong 1998 pa ito itinatag. Subalit walang malaking isyu na narinig tungkol sa anumang unauthorized transactions dito.

Lately, nag-isyu ng press release ang GCash na walang nawalang pondo rito. Naibalik umano ang mga sinasabing nawawalang pondo.

So yung kay Ms Pokwang naibalik?

Wala nang rejoinder sa kuwento ni Pokwang .

Dahil ba pumalag siya at bad PR sa GCash kung hindi ito naresolba? Paano kung ordinaryong konsyumer ang apektado? Tutugon kaya ang No. 1 Finance App na ito?

Alalahanin natin na tayong mga konsyumer ay may mga opsyon sa pamimili ng ibang e-wallets. Kung sa tingin natin mas magaang ang ibang applications sa usapin ng charges, bakit hindi ito ang tangkilikin? Nandidiyan pa ang Maya, Seabank, Gotyme, Squidpay…