HINDI ko kinaya na panoorin ang selebrasyon sa pagtatapos ng isa sa pinakamahirap na exams sa bansa, ang bar exams. Umiwas din akong basahin ang mga komento sa bar site.
Masakit. Nakapanlulumo.
Mayroong mahigit 11,000 bar applicants. Dalawang taon na hindi natuloy ang pagsusulit. Ilang beses na nagtakda ng araw para rito. Kaya noong sa wakas ay i-anunsyo na matutuloy na ito, nabunutan ng tinik sa lalamunan ang mga baristang mentally, emotionally, at financially drained na.
Sa 219 bar examinees na naitalang di pinayagang kumuha ng pagsusulit dahil nagpositibo sa Covid test, isa roon ang aking anak.
Tanggap sana niya ito kung hindi lang sa RT-PCR confirmatory tests ng Red Cross at maging ng DOH na parehong negatibo ang resulta. So one positive versus 2 negative results. Tuloy ang laban.
And so we thought.
Subalit nanindigan ang LGU health officer na conclusive ang kanilang resulta. Na it cannot contradict itself. Na 99.9 percent daw ang veracity ng test nila kahit may two contradicting tests.
Feeling aggrieved, kinausap ng anak ko ang area team leader (ATL) ng Supreme Court. Sadly, however, umayon sa kung ano ang desisyon ng LGU ang ATL dahil mi proviso sa bar circular to the effect na in extreme cases, ang LGU ang may huling desisyon as part of the health protocol ng DOH at IATF.
In extreme cases? Paano iintrepret ang extreme cases? My son is perfectly fit and has not exhibited an iota of covid symptoms.
Sa aking pananaw, ang pagbitaw ng ATL sa kaso ng son ko ay malinaw na pagliligtas sa sarili nito, upang sakaling magka-outbreak ay hindi ang departamento nito ang maputukan.
“We’ve got you covered. Walang maiiwan. Best bar ever.” Mga hashtags na nawalan ng kahulugan dahil sa butas na polisiyang hindi napaghandaan at napag-aralan nang husto. To the detriment of the poor bar examinees, my son included.
Sa bahagi ng LGU, paano kung nagpa-power trip lang ang health officer, gaya ng halimbawa, hindi nagustuhan ang tono ng boses ng anak ko? O naangasan sa pagmumukha? O ayaw nato-talk back ng millennial?
Na nang dahil sa ego ay tuluyang pinatay ang pag-asa at winalang-saysay ang ilang taong paghihirap sa law school hanggang review. Na isang hakbang na lamang, just a heartbeat away, ay makakahulagpos na sana sa tanikalang kaytagal nang gumagapos sa kanya para maabot ang pangarap at makabalik sa normal na pamumuhay.
Huwag na nating pag-usapan ang halagang ginugol sa paghahanda sa bar exams na kayang ipambili ng house and lot o ipang-downpayment ng luxury car. Ang higit na mabigat ay ang ginugol na panahon sa pagtitiis sa gutom, puyat, pagod at overall mental stress. Subalit sa isang iglap ay mawawalang-saysay!
Bukod pa diyan ang mga kaso ng mga examinees na nag resign sa trabaho at nawalan ng kita upang mag-focus sa bar, mga examinees na umasa sa donasyon ng mga brad at sis sa fraternity, mga examinees na nagbenta ng ari-arian at namalimos ng tulong sa mga kaanak para lang mairaos ang bar exam, mga examinees na nagka anxiety attacks at nervous breakdown, nagtiis sa noodles at itlog dahil mas inilaan ang badyet sa libro at review materials.
Ang pinakamasaklap ay ang napabalitang examinee na kinitil ang buhay matapos hindi payagan dahil nagpositibo. Tinanggal ang ulat na ito ilang minuto matapos ilathala sa bar site.
Naisip ba nila ng impact sa mental health ng examinee na todo handa sa labanan pero hindi man lang pinahakbang at agad dinisarmahan?
Totoong mayroon pang susunod na bar exams. Subalit sa loob ng napakahabang panahon na pag-aaral, pag-isolate- paano ibabalik ang momentum na sa isang iglap ay naglaho? Hindi matatawaran ang halaga ng oras, na kapag ito ay nawala ay hindi na muling magagamit pa. At minsan, tanging gahiblang pagasa ang kinakapitan ng taong paubos na.
Ilang oras bago tuluyang matapos ang bar exam kahapon, nagpalabas si Bar Chairperson Marvic Leonen ng Bar Bulletin na naglalayong idisqualify ang mga lumabag sa Honor Code at nag smuggle umano ng mga cellphone upang makapag browse sa social media during breaktime.
Kahanga hanga ang ganitong hakbang ng SC, pero ang tanong ko ay paano naman nila bibigyang-hustisya ang mga examinees na pinagkaitan ng karapatang kumuha ng pagsusulit dahil lang sa kuwestiyonableng polisiya sa ibaba at pambihirang sitwasyon na maari sanang naremedyuhan kung pinairal lamang ang makatao at mas malawak na discretion sa circumstances beyond the examinee’s control.
Pinagpipitagan at kilala ang bar chairperson bilang humanitarian at flexible sa kanyang mga desisyon. Ang bawat dissenting opinion niya ay patunay ng kanyang pagiging matapat sa pagkakamit ng pagkakapantay-pantay at hustisya.
Kaya naman nalulungkot ako at hindi ko pa rin maintindihan ang hardline stance niya sa napahalagang bagay na ito, sa napakapambihirang panahon na kailangan ng mga barista ang pinakamataas na aruga at pang-unawa.
Nang dahil sa isang maikling proviso sa bar bulletin na nagbibigay kapangyarihan sa LGU ng huling desisyon, naudlot ang pangarap ng 219 bar examinees, my son included—at tuluyang nabimbin ang kanilang mga hakbangin sa buhay.
How fair is that?
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]