NABULABOG ang mga siga at kamote sa kalsada nang maglabas ng statement si Interior Sec. Benhur Abalos na ang Land Transportation Office o LTO lamang ang may kapangyarihang kumumpiska ng driver’s license ng mga pasaway na motorista.
Una sa mga pumalag sa pahayag ni Abalos ay ang ilang mga local government units na nagpapatupad ng mga ordinansang may kinalaman sa batas-trapiko.
Malinaw sa Republic Act 4136 na siyang lumikha sa LTO na ang nasabing ahensya lamang ang siyang may karapatang kumumpiska ng lisensya ng mga motoristang lumabag sa ilang espisipikong traffic rules.
Kasama sa RA 4136 ang kapangyarihan ng LTO na mag-deputized ng mga tauhan na makakatuwang nila sa pagpapatupad ng batas-trapiko.
Pero dahil sa ilang probisyon sa Local Government Code ay nakagawa rin ng kanya-kanyang ordinansa ang mga LGUs na nagpapatupad rin ng mga traffic laws sa kanilang mga lugar.
Kanya-kanya pa nga ang halaga ng multa at paglabag na nakasulat sa kani-kanilang mga traffic violation tickets na nagpapagulo sa mga motorista.
At para naman ganahan ang kanilang mga tauhan sa paghuli kuno sa mga lumalabag sa batas-trapiko ay mayroon silang share o bahagi na makukuha sa kanilang bawat huli.
Kundi ako nagkakamaki ay naglalaro nang mula bente hanggang trenta porsiento ang kanilang share dito.
Ito rin ang ginagamit na panakot ng ilang tolongges na traffic enforcer.
Kapag may huli sila na mahal ang multa ay hihirit sila na ayusin na lamang sila sa mas mababang halaga para nga naman di na sila maisyuhan pa ng ticket na maisasama sa record ng mga lumalabag na driver.
Simple lang naman ang logic sa gusot na ito.
Ang Professional Regulatory Commission o PRC ang nagbibigay ng lisensya sa mga professionals at sila rin ang may kapangyarihang bumawi nito.
Marapat lamang na ibigay ang kapangyarihang ito sa LTO tutal ay sila rin naman ang nag-iisyu nito.
Sa mga batas na pinaiiral ngayon, mas kinikilala ng hukuman ang lawak ng sakop ng isang legislated law tulad ng RA 4136 laban sa mga lokal na ordinansa lamang.