DUBAI, UNITED ARAB EMIRATES: Naging kapuna-puna ang pagdagsa ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa konsulado natin dito may ilang linggo rin paparating sa Oct. 14, 2021 deadline para makapagparehistro sa ilalim ng programang Oveseas Absentee Voting (OAV) at makaboto sa darating na halalan sa Pilipinas na gaganapin sa Mayo 9, 2022, Lunes.
Puyatan sa konsulado dahil umaabot ng hanggang hatinggabi – minsan hanggang alas-dos ng madaling araw – ang pila ng mga OFWs, ayon na rin kay Congen Paul Raymund Cortes na aking kinapanayam hinggil dito. All hands on deck naman, ika nga, ang may 30 kawani ng konsulado.
Ugali na rin kasi nating mga Pinoy ang ipagpaliban ang isang gawain – may oras pa naman daw kasi. Kaya ayan, kung kailan papalapit na ang deadline ay saka nagkukumahog.
December 2019 pa nagsimula ang rehistrasyon. Sa mismong araw ng Oct. 14 deadline ay 1,000 ang nakahabol na magrehistro, ayon na rin kay Congen Paul.
May isa pang nakikitang maaring dahilan si Congen Paul kung bakit nagkaganito: “Perhaps they were waiting for their candidates to file their certificates of candidacy. Kaya nag-surge na rin sila nitong October. At the same time…maybe they were more decided with the roster of candidates to play a role in our electoral process,” aniya pa.
Tinatayang nasa 130,000 ang bilang ng mga OFWs dito sa Dubai na rehistradong bumoto para sa halalang naganap nuong 2016.
Sa pagkakatong ito, nasa 261,000 ang bilang (na kung saan ay kailangang tanggalin mula dito yaong mga OFWs na hindi nakaboto sa nagdaang dalawang halalan na tanging ang Commission on Elections lang ang may kopya).
Nagdoble sa loob ng limang taon.