NANGITI ako habang tumitipa sa aking keyboard nang makita ko kung anong araw ngayon: February 14, Valentine’s Day. Walang excitement like some 15 or 10 years ago.
Kapag umabot ka na kasi sa midlife, Valentine’s day begins to lose its romance and is just another date in the calendar. But it remains a family thing. Kaya I bet masarap ang ihahain ng aking anak ngayong araw. Ganyan siya magpakita ng pagmamahal.
Nawaglit na sa isipan ko ang kilig na kahulugan ng araw na ito. Budol ang naiisip ko tuwing dumarating ang araw ng mga puso.
Binubudol tayo sa taas ng presyo ng bulaklak sa Dangwa. Ang P100 na rosas ay nagiging P1000-P1500 o higit pa. Price gouging ang tawag diyan. Yung sinasamantala ng mga retailers ang dami ng demand sa produkto sa pamamagitan ng pagpapatong ng mas mataas na presyo. Ang justification: Law on supply and demand.
Mabuti pa ang ang gold at diamond traders na tuwing Valentine’s Day ay bagsak presyo. Ang half eternity ring na gold with diamonds na karaniwang nasa less than 2 grams at ibinibenta sa halagang P15,000 hanggang P18,000 ay nasa P9,000 na lang kahapon sa online selling.
May nagsasamantala, may nagpaparaya.
Parang laro sa pag-ibig, at laro ng mga budolerong kapitalista at pulitiko lang ang peg. Ang kaibahan, sa pag-ibig puwedeng magparaya. Subalit sa ibang larangan, dapat labanan natin ang pagsasamantala.
Lagi tayong nagmamahal, halimbawa, sa ating Inang-bayan. Pagmamahal na nagbunsod para naisin nating magsilbi sa publiko. Kaya naisip nating sumali sa halalan. Maging instrumento ng pambansang kagalingan.
May sarili tayong vision at sarili ring interes na itinataguyod. Kaya tumatanggi tayong makiisa sa mga kasamang kandidato kahit malabo ang tsansang manalo dahil maliwanag na kulang pa ang ating makinarya to clinch majority votes. Kasi nga naman, napakaganda ng ating hangarin.
Kung kaya naman imbes na makatulong sa paggapi sa bulok na sistema, lumalabas na instrumento tayo ng pagkakahati-hati. At nakakatakot ang konsekuwensiya ng ganitong makasariling pananaw. Nakakatakot para sa bayang humihingi ng malinis na pamumuno.
Laging nagmamahal ang presyo ng mga bilihin at langis, na nagpapahirap sa ating mga konsyumer. Ngayong linggo, hindi lang piso kada litro ang itinaas sa presyo ng diesel at gasoline. Laging namang nakabantay ang mga consumer advocates para palagan ito, pero tinitingnan natin na perwisyo silang mga sumisigaw sa daan, not really knowing na may tatlong paraan sa pagla-lobby ng ating mga karapatang dapat matugunan: korte, kongreso at kalsada.
Lagi silang nagmamahal — mga consumer advocates na tagabantay sa karapatan natin –pero bystanders tayo sa mga isyu, iwas-pusoy sa mga dapat tindigan at tamad na magsuri sa mga isyung direktang nakakaapekto sa bawat isa sa atin sa lipunan.
Lagi tayong nagmamahal, pero madalas ipinagkakait natin ang ating oras na tumindig sa mga karapatang inaagaw ng dayuhan.
Pinupuntirya natin ang pinakamataas na posisyon subalit isinusuko natin ang pambansang seguridad sa pagpabor sa 100 foreign ownership; hinahayaan nating maisantabi ang karapatan ng maliliit na mangingisda at magsasaka; nakikipagkutsaba tayo sa pagsisiwalat ng misinformation ng dayuhang tiba-tiba na sa tubo at the expense of our own people’s unity.
Lagi tayong nagmamahal sa ating kapwa, pero hindi natin makondena ang mga monopolyo dahil in some way, konektado tayo at nakasalalay ang ating hanapbuhay sa kanila—habang ang mas nakararami ay dumaranas ng pagsasamantala sa kanilang mga kamay.
Lagi tayong nagmamahal, at nagsisimba. Minsan nga, tayo mismo ang preacher ng mga linya sa Bibliya. Ipinananawagan natin ang 10 utos ng Diyos, kabilang na ang pagbabawal sa pagpatay, pagnanakaw at pandarambong at pagsisinungaling. Subalit sinusuportahan natin silang mga nagpahayag na walang masama sa pagsisinungangaling, silang ilang beses ng napatunanayan ng hukuman na nandambong sa kaban ng bayan.
Lagi tayong nagmamahal, sinasabi natin, subalit naiiwan natin ang ating utak at mas nakikinig sa opinion at unverified facts. Okay sa atin ang mandarambong, walang kaso sa atin ang sinungaling, o mamamatay-tao habang ipinagdidiinan ang opinion na dapat ay respetuhin.
Ang opinion ay malayong-malayo sa facts. Ang opinion ay hinubog mula sa emosyon kung kaya hindi maaaring maging batayan ng matalinong pagdedesisyon.
Lagi tayong nagmamahal, subalit huwag tayong tuluyang maging bulag. I-base natin ang mga desisyon ayon sa karanasan at katotohanan. Huwag nating hayaang malason ang isipan, partikular ng maraming kabataan, sa mga mga maling impormasyon.
Huwag natin yakapin ang maling mga kalakaran bilang mga normal na kaganapan.
Lagi tayong nagmamahal, kaya hindi rin tayo dapat mapapagod na magsulat at magmulat. Even as a voice in the wilderness. Kahit tuligsain at i-troll. Lagi tayong magmamahal.
Para sa bayan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]