BINAHA ba lugar ninyo?
May nakalatag ba na programa ang inyong local government unit na paraan paano mabilis na maipaparating ang tulong?
Sa tindi ng ulan na dulot ng habagat na sinabayan pa ng bagyong Carina, hindi na ako magtataka na maraming lugar sa Metro Manila at karatig probinsiya ang lubog sa baha.
Sinabi na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magiging malakas ang mga pag-ulan dahil sa La Niña.
Isama na rin natin ang lumalalang climate change.
Taun-taon ay problema ang pagbaha sa malawak na lugar sa Pilipinas. Maraming lugar din sa Visayas at Mindanao ang binabaha.
At taun-taon din na ang mga biktima ng baha ay sa mga pampublikong paaralan dinadala bilang pansamantalang evacuation center.
Hindi na nabago.
Walang pag-level up, ‘ika nga.
Pare-parehong lugar ang binabaha. Pare-parehong lokalidad.
At ang ginagamit na evacuation centers ay mga multi-purpose hall, gymnasium, covered courts, mga simbahan, at syempre, mga paaralan.
Pero kahit na paulit-ulit ang nangyayaring pagbaha, may nagpatayo na ba ng isang gusali na magagamit bilang evacuation center? At least dito sa Metro Manila? Mayron na ba?
May mga lugar naman siguro na pwedeng gamitin ng mga LGU na mapagtatayuan ng isang evacuation center building na may kumpletong pasilidad para maging komportable ang mga evacuee.
Yung may maayos na palikuran, kusina kung saan pwedeng magluto, at lugar kung saan pwedeng maging daycare center para sa mga bata.
Ito ang dapat na bigyang prayoridad ng mga LGU ngayon.
Asahan na natin na itong ganitong panahon o weather ang magiging normal sa mga darating na araw, kung hindi sobrang init, labis naman ang ulan.
Sa mga halal na opisyal, step up naman kayo. Ipakita niyo na tunay na may malasakit kayo sa mga nasasakupan niyo na laging biktima ng pagbaha.
Tandaan niyo, malapit na uli ang eleksiyon.