NOONG 2015, nagdala ng pusakal (pusang kalye) ang anak ko sa Maynila mula sa Bulacan para raw pantakot sa mga daga.
E ‘di welcome.
Sabi ko ayaw ko ng pusang labas nang labas, dito ka lang sa loob. Pinangalanan ko siyang Noy, partner ng asong si Bok. Kapag tinawag ko silang dalawa Bok at Noy (palayaw ko kay Clarence Kinsey noong bata pa siya. Ngayon, hindi na puwedeng Boknoy, Clarence na o mas madalas tinatawag ko siyang Kuya).
Back to pusa (Noy)… akala ko hindi talaga siya nakalalabas, e anak ng pusang gala, pagkamukat-mukat namin ‘e nabuntis! Sa madaling sabi, nanganak. Tapos noong two weeks na ang mga kuting, iniuwi sila sa Bulacan, ipinaampon sa mga mahilig sa pusa. E alam n’yo naman sa probinsiya, nasa labas lang ang pusa. Kaya siguro mabilis silang dumami.
Sabi ko ipa-spay na para hindi na dumami, kasi bilib ako kay Noy, nawala talaga ang mga daga. Tapos ang linis niya sa katawan. Nakasanayan na rin niya ang tamang pagdumi at pag-ihi, hindi ‘yung kung saan-saan lang.
Sa maniwala kayo’t sa hindi, kapag may gusto siyang sabihin, pupunta siya sa akin, tapos ngiyaw nang ngiyaw nang ngiyaw. Tatayo ako sa upuan ko, tapos lalakad siya, susundan ako. ‘Yun pala ipakikita niya na umihi or umebak siya. O kaya wala siyang tubig o gusto niyang kumain. Sa madaling sabi, kaming dalawa lang ang nagkakaintindihan kahit marami kaming kasamang iba.
Happy naman ako sa relasyon namin ni Noy. Pero hindi pa siya sumailalim sa spaying, nabuntis na naman. Noong nanganak na siya, alam n’yo naman ang pusa, mga dalawang araw silang hindi umaalis sa mga kuting, bababa lang kapag nagugutom na. Lalapit sa akin tapos ngiyaw na naman. E ‘di pakakainin ko, tapos aakyat na ulit para magpadede ng kuting.
Isang gabi, nagulat ako, malakas ang ngiyaw niya, hindi malambing parang nag-aalala o nagagalit. Sabi ko nagugutom ka ba? Sabay tayo. Pero pagtayo ko, biglang parang may kumalmot sa likod ng binti ko, sabi ko bakit? Tumingin siya sa akin na parang pinaakyat ako dahil inginuso niya ang lugar kung nasaan ang mga kuting. Inutusan ko ang pamangkin ko para tingnan ang mga kuting niya.
‘Yun, nalaman namin na nahulog pala sa masikip na pagitan ‘yung isa. Nakuha naman. Heto na, araw ng Martes nangyari ‘yun. Noong maligo ako nang Huwebes, napansin ko, may dalawang sugat ako sa binti na parang kagat. Noon ko na-realize na nakagat pala ako ni Noy. E di punta agad ako sa mga ospital na may animal bite center (ABC). ‘Yung unang napuntahan ko P11,000 ang first dose, kasi namaga na raw ‘yung sugat. Tapos babalik pa ako nang limang beses na tig-P2,200 plus.
Sabi ko grabe, ‘yung pusa ko hindi mabibili kahit P5,000 hahaha. Heto ako ngayon kailangan tumosgas nang higit P20,000. Pumunta ako sa San Lazaro. Naku kailangan pang maghintay ng kasabay sa ituturok na anti-rabies para makamura. E ang siste, kailangan na raw akong ma-inject kasi namamaga na nga ang sugat. E ‘di wala akog nagawa kundi bumalik sa unang ospital. Pikit-mata, tumodas ako ng onse mil para sa unang dose ng anti-rabies.
Nabuno ko naman, hanggang matapos ang mga sumunod na dosage. Pero ang bagong problema, lumalaki na naman ang mga kuting ni Noy. Kailangan na namang maipadala sa may mabubuting puso na kayang mag-alaga ng mga kuting. Wala nang mapagbigyan sa Bulacan, kaya isa na namang pikit-matang desisyon ang ginawa ko…
Isang gabi, inilagay ko ang mag-iina sa isang box, at umikot-ikot kami sa Metro Manila para maghanap kung saan o kanino sila ipamimigay.
Mukhang dininig naman ng Diyos ang dasal ko. Pagdaan namin sa Mother Ignacia sa St. Paul (The Apostle Parish) Church (dating Spindle), ang daming pusa sa gawi ng Adoration Chapel. Ang tataba at hindi mukhang nagugutom. Siguro may nagpapakain. ‘Yun doon ko naisipang iwan ang mag-iina, dahil naisip ko, marami silang makakasama roon at mukhang marami ang nagpapakain sa kanila dahi maraming restaurant sa nasabing lugar.
Noong iwan ko sila, siyempre, may kurot sa puso, pero wala akong ibang choice. Nag-wish ako noon, sana, maraming volunteer VetMed ang magbigay ng libreng serbisyo para sa spaying o neutering ng mga pusa lalo na ‘yung walang nag-aalaga. Kasi lalo silang nagiging kaawa-awa kapag marami sila pero walang nagpapakain at nag-aalaga.
Pero sa panahon ng pandemya, hindi lang mga pusa ang nagiging gala o nagiging pusang kalye (pusakal)… may tao rin… at hindi lang sakit sa dibdib ang aking nararamdaman lalo na kung batang walang muwang ang nakikita nating naglalakad sa kalye at ni hindi mo alam kung nanay ba niya talaga ang kasama niyang namamalimos.
Hindi lang kurot sa dibdib ang aking nararamdaman, nagpupuyos din ang aking kalooban.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]