Site icon Pinoy Publiko

Kwento ng dalawang palaka sa kaldero

SA isang batis sa bayan ng Irosin, nanirahan ang dalawang palaka sa tabing-ilog—sina Kabkab at Kakapsoy.

Magkaibigan mula pa noong mga karag pa sila, pero magkaiba ang kanilang mgA pananaw sa buhay.

Si Kabkab ay palaka na kuntento na sa kung anong meron.

“Basta may masisilungan, may makakain, at kaunting ulan minsan, ayos na ang buhay,” ang lagi niyang sabi.

Si Kakapsoy naman ay mapagmasid, kritikal, at palaging nagbubungkal ng tanong—laging may iniisip na alalahanin mula sa labas ng kanilang munting mundo.

Isang araw, habang palukso-lukso ang dalawa papuntang bayan, napatigil sila sa may palengke. Napansin nilang may iniwang kaldero ng tubig sa ibabaw ng de-uling na kalan. Dahil likas na mausisa, tumalon sila sa loob.

Mainit-init ang tubig—tamang-tama lang para sa katawan.

Unang tumalon si Kabkab. Sumunod si Kakapsoy, pero nanatili lang ito sa gilid ng kaldero.

“Kokak, kokak… Uy, ang sarap! Maligamgam!” ani Kabkab habang nakalutang sa tubig.

“Hmmmm kokak, kokak. Oo nga. Pero parang umiinit ha?!” sagot ni Kakapsoy.

Maya-maya, unti-unting nangingibabaw ang init. Nagsimulang magpawis si Kakapsoy.

“Kokak, kokak! Pare, di mo ba ramdam? Parang nakapanghihina ang init ng tubig?! Kokak, kokak,” babala niya.

“Relaks ka lang, pre,” sagot ni Kabkab. “Ganyan talaga—natural lamang na umiinit ang tubig, pero masasanay din tayo. Kokak, kokak.”

Ngunit hindi mapalagay si Kakapsoy. Habang lumalaon, napansin niyang may mga patay na langgam at balat ng gulay na lumulutang. Ang init ay hindi na lang basta nakakakonsuwelo— nakakapaso na.

“Kabkab, kailangan na nating tumalon palabas! Kokak, kokak!” sigaw ni Kakapsoy.

“Tumigil ka nga diyan. Puro ka reklamo. Mabuti ito sa ating katawan—at hindi naman gaanong mainit ang tubig. Hindi mo lang ramdam ang ganda ng pagiging kuntento,” mariing sagot ni Kabkab.

Kahit nanlulumo ang mga paa, nagpasyang umalis si Kakapsoy, at tumalon palabas ng kaldero.

Nang makalabas siya, napansin niyang may usok na palang umaakyat. Halos kumulo na ang tubig.

Si Kabkab, sa kabilang banda, nanatiling tahimik sa loob. Hindi na narinig pa ang boses nito.

Nang gabing iyon, bumalik si Kakapsoy sa ilog nang mag-isa. Ikinuwento niya ang nangyari.

May pagong ang nagtanong, “Bakit naisipan mong lumabas kaagad ng kaldero?”

“Minsan, ang akala mong ginhawa, unti-unting kamatayan pala. Mas pipiliin ko pang mamuhay sa putik kaysa maluto nang unti-unti sa init. Kokak, kokak.”

PAGGUNAM-GUNAM

Ang kuwento ng palaka at ang kumukulong tubig ay isang talinghaga tungkol sa panganib ng kawalan ng reaksyon sa mga negatibo ngunit dahan-dahang pagbabago.

Ipinapakita sa kwento na kapag inilagay ang isang palaka sa kumukulong tubig, agad itong tatalon palabas; ngunit kapag inilagay ito sa malamig na tubig na unti-unting pinainit, hindi nito mapapansin ang panganib at sa huli’y maluluto ito hanggang mamatay.

Madalas gamitin ang alegoryang ito upang ipakita kung paano nagiging manhid ang mga tao sa masasamang sitwasyon kapag dumarating ito nang paunti-unti—at kung paanong kadalasan ay hindi tayo umaaksyon hangga’t huli na ang lahat.

Exit mobile version