‘BUTO’T balat’ na lamang ngayon ang pangangatawan ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na kasalukuyan ay nakakulong sa ICC detention center sa The Hague, Netherlands.
Sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inaresto si Digong noong Marso 11 ng pinagsanib na puwersa ng Interpol at PNP sa kasong crimes against humanity. Si Digong ay 80 taong gulang.
Mismong ang dating asawang si Elizabeth Zimmerman ang nagsabing bukod sa mahinang kumilos at maglakad, si Digong ay hindi na rin umiinom ng kanyang maintenance medicine.
Si Elizabeth ang nagbunyag na ‘buto’t balat’ ang anyo ni Digong.
Direktang sinabi naman ni Vice President Sara Duterte na sa huling habilin ng kanyang amang si Digong, gugustuhin daw nitong i-cremate na lamang ang katawan kung mamamatay sa Netherlands at iuwi ang abo sa Pilipinas.
Kung titingnan mabuti, malinaw ang mga pahiwatig ng pamilya ni Digong na ano mang oras, inaasahan nilang maaaring bawian ng buhay ang dating pangulo.
At sa sandaling mangyari ang malungkot na katotohanan, marami ang nagsasabing tiyak na magiging magulo ang Pilipinas at isang malaking bangungot sa pamahalaan ni Bongbong ang kamatayan ni Digong.
Pinaniniwalaan din na pipilitin ng mga DDS na maulit ang makasaysayang 1986 EDSA People Power 1 at sa pangalawang pagkakataon ang pamilya ni Bongbong ay kanilang patatalsikin sa kapangyarihan.
Sa pagdating ng bangkay ni Digong sa Pilipinas, asahang isang malaking funeral march ang isasagawa at ang sunod-sunod na kilos-protesta tulad ng mga rally at demonstrasyon ang gigimbal sa administrasyon ni Bongbong.
Tiyak din na hindi iilan ang mga pulitikong ‘babalimbing’ kabilang na ang iba’t ibang political organizations at iiwan si Bongbong para suportahan si Sara.
Kung lubos na magiging magulo ang bansa, inaasahang marami rin ang magbabaliktaran sa hanay ng PNP at AFP, at babaklas ng suporta sa gobyerno ni Bongbong.
At kung tuluyan mapapatalsik si Bongbong sa kanyang puwesto, saan naman kaya ang kanilang pamilya pupunta? Sa Hawaii ulit o sa Paoay na?