Kung ako ang pangulo

ANG seryeng ito ay tumatalakay sa mga isyung napapanahon at tungkol sa nagaganap sa ating bansa; ito ay tungkol sa mga tatakbong Pangulo sa 2022. Ikaw ba ay may nais itanong sa mga tatakbo bilang pangulo sa 2022 elections, anu-ano ang mga ito?

Sa October 8 pa natin talaga malalaman kung sinu-sino ang magpa-file ng kanilang mga certificate of candidacy, ang deadline na itinakda ng Comelec sa pag-file ng mga kandidato bilang pangulo at pangalawang pangulo. Naririyan ang ating mga aantabayanan tulad ni Vice President Leni Robredo, Senador Manny Pacquiao, dating senador Bongbong Marcos, Manila Mayor Isko Moreno, Senador Panfilo Lacson at Davao City Mayor Sara Duterte.

Bakit nga ba tayo interesado sa halalan sa pagkapangulo? Ang mananalo kasi ang magtutukoy kung anong polisiya ang tatahakin natin sa loob ng anim na taon. Katulad ng nauna ko nang kolum, ang labanan sa pagkapangulo ng bansa ay “winner-take-all” kaya’t magiging kargo niya halos lahat ang mga polisiya na kakaharapin natin sa larangan ng ekonomiya, peace and order, pulitika, foreign policy, atbp.

Ang pitak na ito ay maglalaan ng espasyo upang alamin ang inyong mga saloobin kung ano bang katangian ng isang pangulo ang inyong ninanais.

Bakit nga ba sila tumatakbo? Para kanino sila tumatakbo? Ano ang gusto nýong tahakin ng ating bansa?

Tila yata nawawala na ang focus ng mga kandidato natin kaya’t nauso na lang ang batuhan ng kaliwa’t kanang akusasyon sa mga kakandidato. Nakakalungkot lang dahil sa ganitong paraan din “dinurog” ang noo’y Vice President Jejomar Binay sa pamamagitan ng “mala-inquisition” na Senate inquiry.

Nakakalungkot din kasi na sa gitna ng mga iringan at siraan sa pulitika na siyang naging sentro ng kampanya ngayon ay naiiwan ang dapat na tunay ng mensahe ng kampanya—at ‘yun ang tinatawag nating plataporma. ‘Yun bang iboboto mong kandidato ay batay sa kanyang tunay na pangako at kakayahang mamuno, hindi dahil magaling siyang manira ng kalabang kandidato.

Kung pamilyar kayo sa “war on drugs”, “Build, Build, Build” at “independent foreign policy” ni Presidente Duterte saan naman kaya tayo ihahantong ng susunod nating Pangulo sa 2022 ngayong inilantad ng COVID-19 pandemic ang kahinaan natin bilang isang bansa.

Bilang isang mamahayag nais kong simulan ang diskusyon sa mga maiinit na isyu na maaring gumabay sa mga kandidato;

West Philippine Sea/Kalayaan Group of Islands—isusulong mo ba ang napanalunan natin sa International Arbitral Tribunal ng UNCLOS laban sa claim ng China na Nine-dash Line o/at isusulong mo din ang bilateral talks sa China sa kabila ng napanalunan natin?

Foreign policy—kaalinsabay ng isyu sa WPS, isusulong mo rin ba ang isang independent foreign policy at makikipag-ugnayan din sa mga bansang itinuturing na kakumpetensya ng kaalyado nating United States?

Economy/infrastructure—Itutuloy mo ba ang Build, Build, Build? Anong economic policy ang iyong susundan? Doable ba ang plano ni Senador Pacquiao na pabahay sa lahat ng informal settler sa Metro Manila katulad ng kanyang ipinangako?

Peace and order—Ano ang posisyon mo sa drugs war ni Pangulong Duterte?

COVID-19—Paano kung mananatili ang pandemya hanggang sa umpisa ng termino mo? Ano ang iyong gagawin bilang pangulo?

Environment—Patuloy na nasisira ang kapaligiran sa talamak na mining operations sa bansa, ano ang iyong gagawin bilang pangulo? Mga hakbangin laban sa polusyon lalung-lalo na sa climate change?

Agriculture—bagsak ang agrikultura, mayroon ka bang naisip na malawakang plano para maging mataas ang produksyon natin sa mga agricultural products? Posiyon sa importasyon ng bigas at karne?

Marami pa sanang isyu na pwede nating ilahad katulad ng korapsyon na tila endemic na sa ating gobyerno mula sa ibaba hanggang sa taas kaya’t mahabang debate ito.

Shameless plug:

Kung ang sagot mo ay oo sa unang talata ng aking pitak, maaaring ipagbigay alam sa Daluyan ang inyong mga tanong dahil iyan ang aming ihahatid sa aming mga panauhin sa Friday News Forum—ang lingguhang online kapihan na mapapanood ninyo ng live sa Facebook.

Ang mga taong nasa likod ng Friday News Forum ay ang mga nagsimula rin ng Kapihan sa Sulo at Kapihan sa Annabel’s na dating isinasagawa tuwing Sabado. Napilitan lamang ang mga tagapagtaguyod ng kapihan na pansamantalang ihinto ito nang magsimula ang lockdown dahil sa COVID-19.

Nagsimula na ang serye ng Friday News Forum noong Setyembre 24 at naging panauhin namin si dating Senador Marcos. Kung sinong personalidad ang aming bisita, tiyak na magiging interesado ang huntahan at ang inyong mga katanungan ay aming ihahatid.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]