Korte Suprema tinapos kaso ng agawan ng lupa sa QC

TINULDUKAN ng Supreme Court ang isyu tungkol sa agawan sa isang seven-hectare prime lot sa Quezon City na nagkakahalaga ng higit sa P2 bilyon.

Dahil sa desisyon ng ­korte sa Quezon City, nawala sa ­Titan Dragon Properties ang pitong ektaryang lupain malapit ng St. Luke’s Medical Center sa E. Rodriguez, ­Quezon City.

Kamakailan, napawalang bisa at nabasura ang ­desisyon ng CA makaraang matuklasan ng Korte Suprema na pineke ang titulong hawak ng umaangkin ng lupain.

Siyempre, nahimasmasan at nasiyahan ang pamunuan ng Titan Dragon Properties, kasama na ang Hong Kong-based real ­properties Southeast Asia Properties and Finance Ltd. na mayroong 49% na share sa nasabing lupa sa Quezon City.

Nabatid na naglabas ang Land Registration Authority (LRA) ng titulo para sa nasabing lupa.

Pagkatapos nito, nag-isyu ang Bureau of Internal Revenue – Quezon City (BIR- QC) ng sertipikasyon upang marehistro ang titulo ng lupa na inisyu ng LRA kahit hindi binayaran ang tinatawag na “transfer taxes”.

Batay sa rekord ng korte, naghain ng kaso ang land prospector na si Marlina Veloso-Galenzoga sa dalawang ­sangay ng Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) noong 2015.

Si Veloso-Galenzoga ay nakabase sa Leyte.

Sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Levito Baligod, hiniling ni Veloso-Galenzoga kay Judge Edgardo Bellosillo na atasan ang Titan Dragon Properties na bayaran ang documentary stamp at capital gain taxes.

Hiniling din ni Veloso-Galenzoga kay Bellosillo na utusan ang nasabing korporasyon na ibigay sa kanya ang 7-ektaryang lupa na binili ng petitioner sa kalabang korporasyon.

Kinatigan ni Bellosillo si Veloso-Galenzoga.

Ayon sa Korte Suprema, si Bellosillo ay nagdesisyon na “whimsically expanded” ang sakop ng petisyon sa kanyang sala, sa pamamagitan ng pagkansela sa derivative titles ng Titan Dragon na nakasaad sa default judgement ng hukom.

Ipinag-utos din ni Bellosillo ang pag-isyu ng panibagong titulo ng lupa kay Veloso-Galenzoga kahit naglabas na ng sertipikasyon ang LRA na nagdeklara at nagdiin na ang titulong hawak ng Titan Dragon ay totoo.

Kaugnay nito, isa pang hukom ng QC RTC na si Judge Alexander Balut ang naglabas ng hiwalay at ­sariling desisyon na pumabor din kay Veloso-Galenzoga.

Naglabas si Balut ng desisyon sa mismong araw na tinanggal siya ng Korte Suprema kung saan pinaburan niya si Veloso-Galenzoga kahit walang iniharap na ebidensyang magpapatunay na siya ang totoong may-ari ng lupa sa tabi ng St. Luke’s Medical Center.

Ngunit kahit may ­prob­lema, ipinag-utos ni LRA Administrator Renato ­Bermejo kay Quezon City Deputy ­Register of Deeds Myra Roby Puruganan na sundin at ­ipatupad ang desisyon ni Bellosillo kahit natuklasan ng nasabing opisyal ng pamahalaang lungsod na ang titulo ng lupa ni Veloso-Galenzoga ay huwad.

Idiniin ni Associate Justice Rodil Zalameda sa hatol ng mataas na korte na “It is so contumacious and ­scandalous that it behooves the (Supreme Court) why the appellate court turned a blind eye on this issue”.

Idiniin din ng mataas na korte na mali ang sala ni Bellosillo dahil wala naman itong “jurisdiction” sa kaso dahil wala sa ayos o “invalid” ang pagpapatupad ng summons.
Inihain ng sheriff ang summons nang hindi nakabatay sa alituntunin ng korte, pahabol ng Korte Suprema.

Gayunpaman, ibinalik ng mataas na korte ang kaso sa sala ni Bellosillo kung saan ipinunto ng una na ayusin at bilisan ang pagdinig ng kaso ng Titan Dragon laban kay Veloso-Galenzoga.

Kinatigan nina Chief Justice Alexander Gesmundo, Associate Justice Jhosep Lopez, Associate Justice Samuel Gaerlan at ­Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa ang naturang desisyon.

Nang malaman ng Titan Dragon ang atas ng mababang korte, kinuha agad nito ang serbisyo ng ACCRALAW kung saan mabilis na kumilos laban sa BIR-QC.

Inireklamo kay BIR Commissioner Caesar Dulay ang ginawa ng BIR-QC pabor kay Veloso-Galenzoga.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]