May isa akong kwento. Hindi ito kwento tungkol sa kutsero kundi tungkol sa komunikasyon. Patungkol ito sa pinagmulan (source), daluyan (medium) hanggang sa tatanggap (receiver) ng balita.
Noong bata pa ako, may isa kaming gurong talentado. Dahil sa kanyang angking galing maraming mga estudyante (kasama na ako roon) ang mabilis natuto sa kanyang estilo ng pagtuturo. Ultimong ang pinaka-kulelat sa aming klase ay bigla na lamang nahilig sa pag-aaral at hindi na siya naglalakwatsa dahil para bang may kung anong mahika ang nagtulak sa kanya upang magsikhay sa pag-aaral.
Sa dami ng estilo ng aking guro sa pagtuturo, mayroon akong iisang hindi makalilimutang class activity na ibinigay nýa sa amin na mag pahanggang sa ngayon ay paminsan-minsan kong ibinabahagi sa mga kaibigan pag mayroong kasayahan.
Maniwala kayo, malaki ang ambag ng simpleng aktibidad na ito sa ating pang araw-araw na buhay lalo na sa pagbabasa, pakikinig sa radio at panonood sa telebisyon ng mga balita.
Hindi ko na pahahabain… At sabi nga ng isang rapper, it goes something like this; Kung kayo ay 15 katao, bumuo ng tatlong grupo na tig-lilima at papilahin sila nakaharap sa audience; mag isip ng isang pangugusap (sentence) bago ito ibubulong sa tatlong taong nasa likuran. Matapos nito ay ibubulong nila ang pangungusap sa taong nasa harap nila hanggang sa makarating ito sa nasa unahan.
Yung tatlong tao sa harapan na nakatanggap ng huling mensahe ay magsasalita isa-isa sa harap ng klase kung ano ang kanilang natanggap na pangungusap matapos i-announce ang orihinal na mensahe.
Ganito tumakbo ang aktibidad naming iyon; ang pangungusap na naisip ng aming guro ay “limampung sako ng palay ang inani ng tatay kong si Juan Pedro Batongbakal.”
Matapos sundin ang gabay ng guro ay ganito ang kinahinatnan ng aming pangungusap:
Unang grupo na kinabibilangan ko: Limampung sako ng bigas ang nakuha ng tatay kong si Pedrong bato.
Ikalawang grupo: Limang sako ng bigas ang naani ni pedro.
Ikatlong grupo: Lilimang sako lang ang naani ni Juan.
Kung inyong mapapansin nag-iba o nagbago na ang pangungusap nang dumating sa receiver dahil iba-iba ang pananaw at pagkadinig ng mga nakatanggap. Lalo na siguro kapag dalawang pangungusap yan o isang maikling kwento.
Sa unang banda, mukhang pang aliw lang sa mga boring na mga lecture sa klase, pero na napagtanto ko kung ano ang mensahe ng class activity naming ito noong ako ay reporter na sa isang pahayagan at kung ano ang isinasagisag nito sa pang-araw araw nating pamumuhay.
Kung naalala nýo ang mga tsismosa nýong kapitbahay ay hindi kayo nalalayo sa inyong sapantaha dahil nilalayon nito ang pakikipag-usap natin sa ibang tao base sa ating narinig o nabasa sa mga pahayagan, lalung lalo na sa social media.
Sa panahon ngayon ng social media, trolls at fake news malaking bentahe pa rin ang integridad ng nagbabalita at kawastuhan (accuracy) ng kanyang ibinabalita.
Pwede nýong gawin ang eksperimentong ito sa inyong grupo dahil maaaliw ka na, kapupulutan mo pa ito ng aral.
Sa susunod: Information overload at integridad sa social media
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]