Klasrum lagi na lang kulang, VP Sara may tugon ba rito?

BAKIT mahalaga na makapagpatayo ng karagdagang silid-aralan ang Department of Education o DepEd?

Sa ngayon, kailangan ng 159,000 na silid-arlan ang DepEd, para sa milyon-milyong estudyante sa buong bansa.

Mahalagang matugunan ng DepEd ang kakulangan ng silid-aralan dahil may malaking impact sa pag-aaral ng mga estudyante ang masikip na klasrum. 

Sa ngayon, siksikan sa isang maliit na silid-aralan ang may 50 hanggang 60 na estudyante. May mga nakaupo sa sahig dahil kulang ang mesa at upuan. Mainit, masikip, at maingay sa loob ng klasrum. Hindi kaaya-ayang lugar ng karunungan.

May 22,381,555 ang naka-enrol ngayon sa pampublikong paaralan sa buong bansa. Mas malaki ito dahil balik face-to-face na ang klase, bukod pa sa dahilang tumaas din ang bilang ng mga estudyante na inilipat ng kanilang mga magulang sa pampublikong paaralan dahil sa taas ng matrikula sa mga pribadong paaralan.

Sino nga ba ang higit na naaapektuhan ng kakulangan ng silid-aralan? Sila yung mga batang nasa low-income families. Salat na nga sa pera, sana ay hindi maging salat sa edukasyon.

Sabi nga ng dating Pangulo ng Estados Unidos na si George H.W. Bush, “education is the key to opportunity. It’s a ticket out of poverty.” 

Madalas ding sinasabi ng ating mga magulang na tanging magandang edukasyon ang maaari nilang ipamana sa kanilang mga anak, salat man o hindi sa buhay.

Matugunan kaya ng DepEd, sa pamumuno ni Secretary Sara Duterte, ang kakulangan ng silid-aralan? May P10 bilyong budget ang nakalaan sa departamento sa 2024 budget para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan. 

Sana nga matugunan. 

Bakit?

Dahil sa dami ng estudyante, kinailangang magkaroon ng shifting ang bawat grade level. Hindi na nakukumpleto ang tamang bilang ng oras para sa mga subject. At kahit na shifting na ang klase, makikitang overcrowded pa rin ang silid-aralan.

Negatibo ang epekto ng siksikang klasrum. Nawawala ang konsentrasyon ng bata sa tinuturo ng titser at hindi rin natutuunan ng kaukulang pansin ang ibang estudyante. 

Sa aking opinyon, hindi visual aids ang dahilan kung bakit nawawala ang konsentrasyon ng mga bata sa klasrum, kundi ang pagiging overcrowded nito.

Malaki ang kinakaharap na problema ng DepEd ngayon sa kalidad ng edukasyon dito sa ating bansa. Bumaba ang comprehension o pag-intindi ng mga estudyante sa simpleng aralin. Bumaba ang reading ability nila. At bumaba rin ang mathematical skills.

Resulta ito nang gawing online ang mga klase at modules naman sa mga walang internet. Hindi natutukan ng mga titser ang mga bata dahil bawal ang face-to-face interaction. Hindi rin naasahan mag-follow up sa pagtuturo ang ibang mga magulang na salat din sa kaalaman. 

Higit sa lahat, bawal magbagsak ng estudyate. Ang resulta, pumasa sa susunod na baytang nang kulang sa kaalaman.

Malaki ang challenge ngayon sa mga guro sa pampublikong paaralan. Kakaharapin nila ang mga estudyante na mangangailangan ng karagdagang atensiyon lalo na sa mga hirap magbasa.  

May limang taon pa si Duterte para matugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan. 

Sa termino kaya niya magkakaroon ng improvement sa kalidad ng edukasyon? 

Sa ternimo kaya niya lalong bababa ang kalidad ng edukasyon dahil sa mga maling department order?

Alin kaya sa dalawa ang mangyayari? 

Ano sa tingin ninyo?