Katotohanan sa utang

SENARYO ito isa o dalawang araw kada buwan sa buhay ng bawat konsyumer:  magigising sa tambak na bills mula sa utilities at credit card companies. Paulit-ulit na magsisikap i-balanse ang badyet—maga-adjust dito, tatapyas doon- subalit  karaniwang ang resulta pa rin ay depisito.  

Oo, depisito. Kakapusan sa pinansiya. Kawalang kasapatan kahit makuba na sa pagtatrabaho.

Pitumpong (70%) porsiyento ng mga Pinoy ang stressed sa utang, ayon sa isang pag-aaral noong panahon ng pandemic. Kung naibsan o nadagdagan ang bilang na ito sa pagbabalik ng normal na kalagayan ng pagnenegosyo, wala pang panibagong datos. Ang maliwanag, maraming may utang. Nananatiling isang malaking hamon ang makalaya sa utang.

Alipin ng utang ang maraming Pinoy. Inaabot ng taon bago tuluyang makahulagpos dito. Ang iba, tuluyang nalulunod sa kumunoy ng utang at nagtatrabaho na lamang para pambayad ng utang. Ang iba, dinadala na sa libingan ang pagkakautang.

Isang mito ang ideya na tuluyang makakapagbayad ng utang. Walang ganun. Kung mayroon, di para na rin nating sinabi na walang namamayaning power structure sa lipunan. Ang makahulagpos kasi sa utang ay nangangahulugan ng pagiging ka-level o kapantay ng pinagkakautangan.

At hindi ka ka-level. Ikaw ang kanilang “asset”. Kung level up ka na, saan sila aasa ng kikitain?  Kaya instrumento ng kapangyarihan ang utang. Pinapagyaman nito ang di pagkapantay-pantay sa lipunan.

Produkto ng utang ang ating bansa. Tinubos tayo ng Amerika sa pagkaalipin mula sa mga Hapon. Hindi tayo lubusang lumaya. Lumaya lang tayo mula sa isang nang-alipin upang maging alipin muli. Bihag tayo ng power setup na mahirap takasan.

Kaakibat ng pagkakaroon ng panibagong mukha ng kalayaan mula sa Amerika ay ang pagkaalipin natin sa mga multinasyonal ng naturang bansa. Inalok ang ating mga pinuno ng salapi, in the guise of financial assistance. Syempre hindi libre. Binayaran at patuloy na binabayaran sa napakataas na interes, kalakip pa ang mga alintunin na pabor sa mga napag-utangan. As of March 2023, nasa P13.75 trillion ang utang panlabas ng bansa. Sa estimate, bawat Pinoy ay may mahigit sa P112,678  na utang na babayaran sa pamamagitan ng buwis. Samantalang P474,573 kada pamilya  kapag hinati sa 26.3 milyong  bilang ng pamilya ayon sa datos ng Ibon Research.  

Walang pinagkaiba sa ginagawa ng China. Ginagamit ang naipong mga utang ng Pinas upang gipitin ang gobyerno at matakot pumalag sa mga pambu-bully nito sa usapin ng pinag-aagawang mga teritoryo.  

Tinatanggalan ng dignidad ang bansang maraming utang. Binu-bully, inaapi at walang magawa ang mga lider nating nakipahgkutsabahan at nasilaw sa  sa kinang ng salapi ng mayamang dayuhan na bansa.

Ang ugat ng pagkaalipin ay hindi malisya kundi utang. Inaalipin at nagpapaalipin ang tao  upang makabayad ng utang. Kung walang utang, walang dahilan upang maging alipin ninuman. Maliban sa ilang kababayan natin  na likas na pinalad sa ibang bansa, marami sa ating mga overseas contract workers ang napipilitang maghanapbuhay sa ibayo upang makapabayad ng utang. Utang na dahil sa mababang pasuweldo dito. Utang na dahil sa kahirapan. Utang na dahil hindi makapagbigay ng sapat na serbisyong pampubliko ang gobyernong ang sistema ay  pinamumugaran ng mga korap.

Ang mga inhustisya sa lipunan sa ngayon ay manipestasyon ng utang. Walang pagkapantay-pantay sa oportunidad na nagiging resulta ng pagkakaroon ng tinatawag na “ruling class” na pinagsisilbihan ng mga “indebted class.”

Kung susumain, ang pagkakautang natin  ay hindi resulta ng personal na  mga pagkatalo o maling mga desisyon sa buhay. Legasiya ito na minana pa natin mula sa ating mga ninuno.

Kung patas lamang ang mga galawan sa lipunan, hindi lalawak sa mayorya ang bilang nga  mga taong lubog sa utang.

Hindi lamang basta numero sa billing o card statement ang utang. Sumisimbolo rin ito ng ating pagkatao at natural na obligasyong magbayad. Kumakatawan ito sa isang tao o korporasyon na nagbigay sai atin ng tiwala na sa dulo ay ibabalik natin ang halagang nahiram.

Sa kasalukuyan, hindi na nagbabatay ang mga nagpapautang sa kung anu-anong dokumento. Sapat na ang ebalwasyon sa ating credit score upang tayo ay pagtiwalaan na pautangin.

Bago ang credit score, sinusukat ang tiwala sa mga sinumpaang salaysay at pagkatao ng isang tao. Ang abilidad na makapagbayad ng utang ay batay sa kung ano ang pagkakakilala  sa atin  ng ating  komunidad.

Hindi na ngayon. Hindi na mahalaga ang pagkatao, ang mahalaga ay ang kakayanan na magbayad ng utang batay sa buwanang pagtalima sa iskedyul ng pagbabayad. Kahit sino ka pa, kahit wala kang trabaho  o isang kang kriminal basta maayos at consistent kang magbayad, makakaasa kang makakautang ka.

Consistent profit para sa mga nagpapautang at patuloy na pag-ikot ng kapital kahit na hindi na halos makabayad ang kawawang nangutang dahil sa taas ng interes. Asan ang moralidad ng ganitong sistema? Magpapautang  kahit hindi tiyak ang kakayanan ng nangungutang sa ngalan ng pagkakamal ng tubo?

Dati-rati, sa ilalim ng Usury Law, bawal ang mataas na interes. Sa ngayon, hindi na ito pinaiiral. Basta pumayag ang umuutang sa kasunduan ng pagkakautang kahit gaano pa kataas ang interes, valid ito. May ilang kaso na nakarating sa Korte Suprema na pinaparusahan ang mga credit companies sa di-makataong interest charges, pero kung ordinaryong nangungutang na walang kakayanan na magkaso, paabutin pa ba niya sa kataas-taasang hukuman ang kanyang reklamo?

Ang katotohang sa utang ay dinisenyo ito upang habambuhay na maging alipin ang tao dito. Pinapahirapan ang nangungutang sa pagbabayad  upang mapanatili ang kontrol ng nagpautang  sa umutang.  Hindi na nabubuhay ang tao sa tiwala kundi sa kawalang-tiwala, sa pagkaganid at pagkamakasarili.

Hanggang may utang, magpapatuloy ang di pagkapantay-pantay sa lipunan. Masaklap man, katotohanan itong kailangang harapin sa araw-araw na pakikibaka sa buhay.