HINDI ito personal indictment o pagsasakdal sa mga taong naghahangad maluklok sa puwesto, lokal man o nasyonal. Ito ay naratibo ng personal kong karanasan kailan lang, nang umuwi ako sa aming bayan sa Pangasinan.
Sampung araw bago ang halalan ay naisipan kong bisitahin ang aking mga magulang. Alas dos ng madaling araw ako nakarating sa amin mula sa apat na oras na biyahe galing Quezon City. Matapos kong bulabugin ang tulog nila at sandaling kamustahan, umidlip muna ako ng tatlong oras.
Nagising ako na nagkukuwentuhan na ang aking mga magulang habang nagkakape. Bandang alas siyete ay napakarami ng taong nag-uumpukan sa waiting shed at harap ng kanilang mga bahay. Maya-maya lamang ay may sasakyan na banayad ang takbo pero malakas ang patugtog ng campaign jingle. Kasunod niya ang mga nakaunipormeng staff ng kandidato na namimigay ng polyeto at mga gamit sa bahay– maliit na plastic na upuan, tabo, batya.
Sumunod ay grupo ng kandidatong tinapay naman ang ipinapamudmod. May umpukan din kung saan isang staff ng kandidato ang nagpapapirma. Para umano sa stub. Cash stub.
Masaya ang mga tao. Narinig ko na iboboto nila ang mayroong ibinigay sa kanila. Yung iba ay may nakahanda nang listahan ng mga iboboto.
Tinanong ko ang aking mga magulang kung sino ang iboboto. At agad nilang sinabing iboboto nila ang mahusay. Kahit walang ipinamudmod. Magulang ko nga sila. Proud ako.
At natuwa ako.
Bandang tanghali ay niyaya ko ang aking pinsan upang ihatid ako sa bayan dahil may kakausaping tao sa bayan naman ng San Carlos. Napadaan ako sa munisipyo ng Malasiqui kung saan nakaparada ang jeep na maghahatid sa akin sa karatig-bayan.
Sa harap ng munisipyo ng Malasiqui ay nakahuntahan ko ang dalawang empleyado. Hindi daw sila magpapabudol sa mga kandidatong mamimili ng boto.
Natuwa uli ako.
On the way to San Carlos, may dalawang kabataang babae na nag-uusap habang pumipili sa socmed ng kanilang mga senador na iboboto. Pahayag ng isa, “Una syempre si Colme (short for Neri Colmenares. Ang galing niya ano? Laging una ang benepisyo ng mga tao lalo na seniors at magsasaka.” Sagot ng kasama niya, ““Naman. Tapos si Diokno, Risa, de Lima, Luke…” Napangiti ako at sumabad, “Maraming salamat sa inyo.”
Nabigla sila. At nagtanong, “Bakit po kayo nagpapasalamat?” Sagot ko, “Dahil sa choices ninyo.” Ngumiti sila sa akin.
At natuwa na naman ako.
Natapos ang araw na bahagya kong natupad ang nakasaad sa aking itinerary for Pangasinan. Dahil hapon na, minarapat ko na lamang bumalik sa amin, kahit dapat sana ay nasa seaside ako ng Dagupan o kaya ay nagkakape at kahuntahan ang mga kapwa mamamahayag sa norte habang ninanamnam ang mga local delicacy ng lalawigan.
Sa aking pagbalik sa Rizal kinaumagahan ay mensahe naman ng isang kasama sa adbokasiya ang tumambad. Na ang aming kaibigan na tumatakbong vice mayor ay nanghihingi ng presensiya ng media sa kaniyang lugar dahil natunugan na ang kanyang kalaban ay napipintong mamili ng boto. Nais niyang pigilan ito at naisip niyang ang presensiya ng media ang maaaring makapigil sa maitim na balakin ng kalaban.
Pinayuhan ko na idokumento niya ang sitwasyon doon, upang sakaling walang makarating na media ay maaari niya itong ipadala at magawan ng istorya.
Ilan lamang iyan sa mga insidente ng pamimili ng boto sa lokal na halalan.
Mas malala ang vote-buying sa national level.
Pero higit sa pera na ipinapamudmod sa bawat botante, ang tanong na mahalaga ay sinu-sino ang contributors ng malaking halaga para bumili ng boto.
Sa loob ng napakahabang henerasyon, ito na ang naging kalakaran. Ito ang inaabangan ng mga tao. May biruan nga na hindi naman talagang biro dahil totoo na tuwing matatapos ang eleksiyon, asahan mong may bagong sasakyan o nakabili ng bahay o ari-arian si kapitan, si mayor at lahat ng mga taong may ginampanang papel sa halalan.
Katas ng vote-buying.
Ang alyansa ng mga kandidatong pulitikal at kanilang mga financial patrons ay hindi kakaiba o uniquely Filipino. Ang daloy ng salapi o election money ay hindi rin bagong kalakaran. Mas lalong hindi bago na ang gawaing ito ay purely voluntary with no strings attached.
Oo may mga pulitikong nakakakilos na walang inaambag sa kampanya dahil malawak ang network na siyang gumagalaw para sa mga donasyon, pero mas marami ang nangangampanya na ang ginagamit din na salapi ay mga kinurakot mula sa kaban ng bayan. Marami ang patron ng mga ito na may vested interest kaya nangunguna silang contributors ng kandidato. Ang lahat ay may inaasahang kapalit sakaling manalo ang manok: puwesto sa gobyerno, negosyo at kapangyarihan.
Nakakaawa ang mga botanteng pansamantalang “namamantikahan” ang sikmura sa panahon ng election; walang muwang na ang kapalit nito ay panibagong dagok sa kanilang kinabukasan at kinabukasan ng kanilang mga anak at apo. Paulit-ulit ang siklo ng kahirapan dahil mas pinipili nila ang pansamantalang ganansiya.
Maglalaho ang ingay ng kampanyahan, may mga di papalarin at may mga magdiriwang matapos ang bilangan, habang ang mga tulisan, kukuyakoy na naman sa kanilang mga kinauupuan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]