Kapos ang sahod

HAPPY New Year!’

‘Yan ang parati nating greeting sa pagpasok ng bagong taon.

Patuloy na umaasa na magiging happy tayo sa buong taon.

Depende na lang siguro kung ano ang ibig sabihin natin ng happy o ano’ng bagay, sitwasyon o kanino tayo nagiging masaya.

Pwedeng masaya dahil buo at magkakasama ang pamilya.

O kahit hirap sa buhay, happy tayo dahil kapanalig ang Diyos sa lahat ng pagsubok.

O kaya naman ay sagana tayo sa buhay kaya happy.

Wish natin, marami ang maging prosperous ngayong 2023 kahit pa taon-taon na lang sa nagdaang administrasyon mula kay Tita Cory hanggang kay Digong, sinasabi ng mga ekonomista na umaangat ang Gross National Product o GNP ng Pilipinas.

Hindi pa nga lang daw ito agad mararamdaman ng maraming Pinoy.

Ganyan parati ang linyahan ng bawat administrasyon.

Pero kung pagbabasehan ang World Bank report na inilabas noong November 24, 2022, pang-15 ang Pilipinas sa 63 bansa pagdating sa income inequality.

Sa WB report, 17 porsyento ng kabuuang national income ay pinagpapartehan lang ng 1% porsyento ng populasyon, samantalang ang 14 percent ng national income ay pinaghahatian naman ng 50% ng mga mahihirap na Pinoy.

Malinaw na talagang napakalawak ng income gap ng mayayaman at mahihirap.

Dalawa sa factors na nakikita ng WB sa dahilan ng income gap ang hindi pantay na mga oportunidad na ibinibigay sa mga tao at hirap ma-afford ng low income group ang college education.

Although hindi naman formal education ang nagpapaunlad ng kabuhayan ng isang tao o pamilya. Maraming graduate pero jobless o underemployed.

Hirap lang akong intindihin sa report ay nakaahon pa rin daw sa hirap ang Pilipinas mula 49.2% noong 1985, nabawasan ang kahirapan sa 16.7% noong 2018, pero nananatili pa rin daw ang inequality.

Hirap akong ma-gets yan dahil hindi ko naman nararamdaman yan mula nang namulat ako sa maraming realidad at katotohanan sa lipunan.

Ganun pa rin naman ang pamumuhay namin kahit nagsusumikap kami sa buhay at kaliwa’t kanan ang raket. Tumbling dito, lagare roon.

Kaya nang pumalo ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa 8% nung November din, sumayad talaga ang kabuhayan lalo na nung pandemic, sumasalang sa gutom.

E pagdating ng December, sinasabing umakyat pa ito sa 8.2%.

Hindi masisisi ang ibang kababayan na mawalan ng pag-asa na umasenso – importante, nakakakain ng tatlong beses sa isang araw.

Pero kahit ang makakain ng tatlong beses sa isang araw ay igagapang pa ng karaniwang manggagawa.

At bakit nga naman hindi, ayon sa research and economic think tank Ibon, ang isang pamilya ay dapat kumikita ng P1, 140 kada araw o P24, 803 kada buwan para matugunan ang mga pangangailangan sa araw-araw.

Kaya ang minimum wage na mababa riyan ay hindi talaga living wage na minamandato ng ating Konstitusyon.

Sa kasalukuyan, P570 ang daily minimum wage sa Metro Manila o P 11, 400 kada buwan.

Kaya nakikiisa ako at sumusuporta sa panawagan ng mga manggagawa na itaas ang sahod.

Ang Kapatiran ng mga Unyon at Samahang Manggagawa ay nag-file ng petition sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board ng P100 daily wage increase sa Metro Manila.

Mas realistic although mas challenging ang demand ng Kilusang Mayo Uno na gawing P1,100 daily minimum pero mas nakasisiguro na magiging disente ang pamumuhay ng mga manggagawa.

Sa sobrang laki ng nabawas na purchasing power ng peso dulot ng inflation, dapat na seryosohin ni Marcos Jr ang wage increase ASAP at hindi non-wage benefits tulad ng ginagawa ng past administrations. Wag nang hintayin ang Labor Day para magpa-cute.

Hindi naman kikita ang nakatenggang puhunan, makinarya at pabrika kung walang manggagawa.

Kahit walang kapital, mabubuhay ang manggagawa pero ang negosyante, hindi.

Maparaan ang manggagawa at driven ng pangangailangang mabuhay.

Pero ang businessmen, magulang sa pagpapalago ng negosyo dahil driven ng pangangailangang tumubo ng malaking kita.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]