Kandidato kilatising mabuti; ‘wag sayangin ang boto

NATAPOS na ang walong araw ng filing of candidacy ng mga nagnanais manilbihan para sa bayan.

Hindi pa naman final ang list of aspirants, marami pa ang matatanggal dito.

Lilinisin pa ng Commission on Elections (Comelec) ang listahan at tatanggalin ang mga nuisance
candidates.

Kagaya ko, marami rin sa inyo ka-Publiko ang sumubaybay sa mga naghain ng kanilang certificates of candidacy mula noong Okt. 1 hanggang 8.

Marami sa kanila ang nagsabi na nais nilang manilbihan, itatama ang mali, aayusin ang sistema, at kung anu-ano pang mga pangako.

Narinig na nating lahat ito.

Alam din natin na, may mga na-elect na officials na hindi natupad ang ipinangako. Ngunit tatakbong muli at magbabakasaling manalo.

May iba naman na nagsabing ayaw sana nilang tumakbo, ngunit dahil gusto nilang makatulong, ay tatakbo na lang daw sila.

Kung ayaw naman pala at baka napipilitan lang, bakit pa tatakbo?

Baka pwedeng huwag na lang dahil ang ganitong mga dahilan ay hindi katanggap-tanggap. 

Half-hearted kalalabasan ng kanilang panunungkulan.

Pwede namang tumulong kahit hindi elected official. 

Marami ring artista ang magbabakasali sa larangan ng pulitika.

Alam natin na may mga artistang nanalo bilang senador, congressmen, mayor, konsehal, governor, at iba pang posisyon. May iba rito ang maganda ang performance, ngunit may mga nakakadismaya rin.

May mga beteranong politico ang nais magbalik, ngunit mas gagamitin ko ang salitang pabalik-balik. Sana give others a chance. 

Marami diyan ang karapat-dapat din. Bigyan natin sila ng chance.

May panahon pa para pag-aralan natin ang kanilang mga background. Alamin natin kung ano na ang naibigay niya para sa bayan, para sa mamamayan. Yung tunay na may mga malasakit.

Hindi yung tinatanong lang tungkol sa bashers, galit na agad. Hindi pa man ay mayabang na, paano na lang kung na-elect siya? 

At yung nagsabi na kung tatakbo siya, sayang lang ang boto ng mga tao, pero nag file ng certificate of candidacy, aba, sayang nga ang boto sa taong ito. Pumili na lang ng iba.

Nakatitiyak din ako na gagamit ng mga troll ang mga kandidato ngayon at magkakalat ng kung anu-anong kasinungalingan sa social media. Maging mapanuri. Huwag paniwalaan lahat ng mababasa.

Pitong buwan bago ang midterm elections. Maikling panahon na lang ito.

Ngayon pa lang, kilalanin na natin sino ang makapagbibigay sa atin ng mas maayos na future, mas maayos na ekonomiya, at mas maayos na Pilipinas.