“Ang sakit ng kalingkingan ay dama ng buong katawan.”
KALUSUGAN ang nais ng Haraya para sa ating lahat ngayong taong 2022 at sa mga susunod pang panahong darating.
Ang kalusugan sa pangangatawan, pag-iisip, damdamin at emosyon ang pundasyon ng ating pagsisikhay na matamo ang ating mithiin sa buhay, lalo ngayong humihirit pa rin ang omicron variant.
Kalusugan ang nagbibigay sa atin ng lakas upang patuloy nating kamtin–sa kabila ng mga pagsubok at hamon–ang hinahangad nating tagumpay para sa ating sarili, pamilya, at mahal sa buhay.
Puhunan natin ang ating kalusugan para makapaghanap-buhay. Upang paunlarin ang ating sariling talento at kakayahan. Upang mapabuti ang ating kalagayan sa buhay.
Mahigit limang milyon katao sa iba’t ibang panig ng mundo ang binawian ng buhay mula nang salakayin tayo ng SARS-CoV-2. Nadiskubre ito sa Wuhan, China bandang Nobyembre 2019. Sa ating pinalad na maka-recover mula sa COVID-19, mayroon pa ring nananatili’t pangmatagalang epekto ng virus na kailangan nating bantayan at bakahin. Hindi lamang sa baga, kundi maging sa puso at iba pang bahagi ng katawan.
Karapatang pangkalusugan
Sa ilalim ng Universal Declaration of Human Rights (UDHR), isa ang kalusugan sa mga pangunahing karapatang pantao ng bawat Pilipino na tungkulin ng pamahalaang isakatuparan.
Ayon sa Artikulo 25 ng UDHR:
“1. Ang bawat tao’y may karapatan sa isang pamantayan ng pamumuhay na sapat para sa kalusugan at kagalingan ng kanyang sarili at ng kanyang pamilya, kasama na ang pagkain, pananamit, paninirahan at pagpapagamot at kinakailangang mga paglilingkod panlipunan, at karapatan sa kapanatagan sa panahong walang gawain, pagkakasakit, pagkabalda, pagkabalo, katandaan at iba pang kakapusan sa ikabubuhay sa mga di-maiiwasang pangyayari.”
Itinatakda rin ng UDHR, Artikulo 25(2), na tungkulin ng gobyerno ang pagtitiyak ng pagtatamasa ng ina at kanyang anak ng mabuting kalusugan:
“Ang pagkaina at pagkabata ay nararapat magtamo ng natatanging kalinga at tulong. Ang lahat ng bata, maging anak na lehitimo o di-lehitimo, ay magtatamasa ng gayon ding pangangalagang panlipunan.”
Pinalakas ng isa pang tratadong pinagtibay ng Pilipinas – ang International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR) – ang ating karapatang pantao na magkaroon ng pinakamataas na antas ng kalusugang pampisikal at pangkaisipan, maging sa panahon ng pandemya.
Tungkulin ng pamahalaang igalang, protektahan, at isakatuparan ang mga probisyon ng ICESCR, lalo na ang probisyon ng Artikulo 12. Itinatakda ng ICESCR Article 12 na – sa panahong gaya ng coronavirus pandemic – tungkulin ng gobyernong pigilin, sugpuin, at lunasan ang pandemya.
Itinatakda rin ng Article II, Section 15, ng ating Saligang-Batas na tungkulin ng pamahalaan ang pangangalaga sa kalusugan ng bawat Pilipino.
Responsibilidad ng pamahalaan ang pagsasakatuparan ng ating karapatang pangkalusugan sa bisa ng Article XIII – Social Justice and Human Rights – ng ating 1987 Constitution (Health; Section 11-13).
Incompetence
Subalit tila pinolitika ng Malacañang ang pagtugon sa pandemya.
Sanhi ng kanyang nahihintakutan at kapit-tukong paghawak sa renda ng kapangyarihan, ipinaubaya ni Pangulong Duterte sa mga sinasandalan niyang heneral ang tungkuling salagin ang paghataw ng pandemya sa ating mga Pilipino. Ito’y sa kabila ng kawalan ng expertise ng mga heneral sa larangan ng public health at social services.
Garapalan pang inatake ng Pangulo ang Senado matapos nitong ibinunyag ang bilyong pisong anomalya sa pagbili ng face mask, face shield at iba pang pamproteksyon laban sa virus na kinasangkutan umano ng isang kompanyang may kapit umano sa Malacañang.
Inatake rin ni Duterte ang media at mga kritikong naglantad ng kanyang incompetence at kawalang-malasakit sa sambayanang Pilipino sa kasagsagan ng pandemya.
Subalit bakit tahimik naman ang Pangulo– tanong ng mga Pilipino–pagdating sa tila organisado at sistematikong pamamaril ng mga di-kilalang mamamatay-tao sa human rights lawyers, journalists, at tagapagtanggol ng kalikasan at karapatang pantao?
Magkakambal na karapatan
Dito natin makikita, Bayan, na kakambal ng ating karapatang pantao sa kalusugan ang ating tungkuling bantayan at ipagtanggol ang ating demokratikong karapatan sa pananalita at pamamahayag.
Kalasag natin ang ating mga karapatan at kalayaang pampulitika upang pangalagaan at ipagtanggol ang ating mga karapatang pangkalusugan at pangkabuhayan.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]