NGAYON ang panahong hindi dapat magdalawang-isip si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at tuluyang magdesisyong ‘walisin’ ang mga sagabal sa kanyang pamahalaan lalu na si Vice President Sara Duterte.
Walang puwang kay Sara ang salitang ‘areglo’ maliban sa layuning maipaghiganti ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na ipinakulong ng kasalukuyang pamahalaan sa The Hague, Netherlands.
Kaya nga, mali ang panawagang pakikipag-ayos ni Bongbong sa pamilyang Duterte higit sa lahat kay Sara dahil sa malinaw na pagpapakita ito ng kahinaan ng kanyang liderato bilang isang pangulo.
Sabi pa ni Senator Ping Lacson: “The openness to reconcile with the Duterte family is very typical of PBBM’s character. Yet, his kindness and goodwill in dealing with others are sometimes interpreted by both his allies and adversaries as a weakness in his leadership.”
At ang nalalabing hakbang o pamamaraan ni Bongbong ay iparamdam sa mga kalaban ang ‘kamay na bakal’ ng pamahalaan at tuluyang gibain si Sara na nahaharap ngayon sa impeachment trial sa Senado.
Maipakikita ng kasalukuyang gobyerno ang kapangyarihan nito, higit sa lahat ang impluwensiya ni Bongbong sa sandaling makuha ang guilty verdict sa pagdinig sa impeachment case na kinakaharap ni Sara.
Hindi iilan ang nagsasabing sa sandaling makahulagpos si Sara sa kasong kinakaharap sa Senado, tinitiyak na tatakbo ang bise presidente sa 2028 presidential elections at sinisigurong mananalo ito bilang pangulo.
At marami rin ang nagsasabing, sakaling maging pangulo si Sara, asahan ni Bongbong na patong-patong ang kasong kanyang kakaharapin at tiyak na ipakukulong tulad nang nangyari kay Digong.
Hindi dapat hayaan ni Bongbong na mangyaring tuluyang makabangon si Sara. Sa pagsalang sa impeachment trial sa Senado, siguruhing guilty si Sara. Unahan mo na, Bonget!