ILANG ARAW na lang at Pasko na.
Sabi nga ng isang kanta at para sa akin, “it’s the most wonderful time of the year.”
Kayo rin ba excited tuwing darating ang araw ng kapanganakan ni Hesu Kristo?
Sa totoo lang, mas excited nga ako tuwing magpa-Pasko kaysa sa aking kaarawan.
Nakalakihan ko kasi na tuwing darating ang araw ng Pasko ay may reunion kami sa father’s side. Yung looking forward ka na makita mga pinsan mo na tuwing Pasko mo lang nakikita at magkakasama kayo ng dalawang linggo.
Masasayang araw at punong-puno ng memories ang Pasko ng aking pagkabata.
Bukod sa mga regalo, ang pinakaaabangan ko ay ang Noche Buena. Tiyak na may hamon, leche flan, macaroni salad, iba-ibang kakanin, mga masasarap na putahe, at syempre ang all-time favorite na spaghetti.
Mga nakalakihan kong handa na hanggang ngayon na may pamilya na ako, ay kasama pa rin sa hapag tuwing Noche Buena. Naging tradisyon na na kasama ang mga pagkaing ito tuwing sasapit ang Pasko.
Ngunit sa mahal ng presyo ng mga bilihin, may kaunting adjustment sa handa. Kung dati ay maraming putahe ang inihahain, ngayon ay dalawang putahe na lang. May mga pwede naman iluto na one-pot meal, ‘ika nga, gaya ng Paella na kumpleto na. May kanin, ulam, at gulay na. Hindi po kailangang mamahalin ang mga rekado.
At lalong hindi kailangang bongga ang handa ngayong Pasko.
Natuto na rin ako na ang handa sa aming tahanan ay dapat sapat lang. Nakakasawa ring kumain ng tirang pagkain ng tatlong araw.
Ngayong Pasko, huwag ipilit na maghanda nang bongga kung hindi kaya. Kahit na tinapay at keso at may malamig na inumin ang iyong handa, sasarap yan pag kasama ang mga mahal sa buhay.
May budget man o salat sa pambili ng ihahanda, ang mahalaga ay kumpleto tayo sa hapag-kainan pagdating ng Noche Buena.
Isang Masayang Pasko sa ating ating lahat, mga ka-PUBLIKO!