ANO mararamdaman mo pag nadiskubre mong nag-deploy ang US sa inyong probinsya ng Tomahawk missile na may kakayahang magkarga ng bombang nukleyar?
Kung ako ang tatanungin – nakakatakot at nakakapanindig balahibo.
Kaway-kaway kay Kamatayan.
Sa press release nung Lunes, April15, ang Mid-Range Capability Missile System (MRCS) “Typhon System” ay launcher na dinisenyo para magpakawala ng Standard Missile 6 (SM6) mula sa lupa.
Pwede rin itong pakawalan sa eroplano o submarine kaya flexible.
Unmanned, guided missile ito.
Kaya nitong targetin ang mga barko sa layong 370 kilometers (230 miles), ayon sa Missile Defense Project ng Center for Strategic and International Studies (CSIS).
May kakayanan itong magpalipad ng US-made TLAMs sa layong 1,600 kilometers (1,000 miles), dagdag ng CSIS. Ginamit ito sa Salaknib Balikatan Exercises sa Northern Luzon nung isang linggo.
Gayunman, sinasabing inabandona na ang paggamit ng nuclear warheads at ipinalit ang “bomb clusters” na kulumpon ng 166 na bomba!
Pero knowing US na maraming sekreto at ilegal na operasyon, hindi dapat maging kampante.
First time na nagdeploy ang Amerika ng ganito kalakas na weapon system mula nang nagkasundo at pumirma ang US at dating Soviet Union ng treaty nung 1987 para buwagin ang Intermediate-Range Nuclear Forces (INF).
Noong 2019 nang nag-withdraw ang US sa INF treaty dahil may violations daw ang Russia. Di nga.
Nang dineploy ng US ang Tomahawk dito sa Pilipinas, wala silang sinasabing detalye kung kelan eksaktong dumating ang6 “Typhon missile system” at ano-anong mga pampasabog ang kargado nito.
Hindi rin sinabi kung hanggang kailan ito mananatili sa bansa. Panulay talaga. Ang labo. bansa natin ito, wala tayong alam sa detalye. Walang transparency.
Ano ba protocol dyan. Mr Marcos Jr or Mr Gibo?
Gaano ba mapangwasak ang Tomahawk?
Ang warhead o mismong bomba nito ay tumitimbang ng 454 kilograms (1,000 pounds). Mababa lang lipad nito at kayang magmaniobra nang hindi basta made-detect ng China, este ng kalaban, kahit pa maraming nakaabang na air defense.
Ang 1,000-pound na bomba ay sadyang napakalakas at kayang wasakin ang isang bahay o umukit ng crater na 20 feet wide.
Ayon kay Jeffrey White, defense fellow sa Washington Institute for North East Policy, ang accuracy ng TLAMs na tamaan ang target ay mga limang metro.
“Hindi mo tatamaan ang isang bintana o tanke de gyera, pero masasapul nito ang isang building.” paliwanag pa ni White.
Pwede nyang atakihin at wasakin ang matitibay na bunker ng kalaban, airfields, at naval vessels Ang unang Tomahawk missiles ay inilabas 1984 para mag-deliver ng conventional at nuclear bombs. Bininyagan ito sa 1991 Persian Gulf, parte ng Operation Desert Storm na pati presidential palace ng Iraq ay winasak kasama ang electrical power plants.
Ginamit din ang Tomahawk sa Iraq War nung 2003-2011; Bosnia, 1995; Libya, 1996 at 2011; Sudan, 1998: Yemen, 2009 at Afghanistan noong 1998.
Kaya nakakapaghinala na kargado ang “Typhon System” ng armas nukleyar.
Hanggang nitong February 2024, nagpakawala ang US Navy ships ng Tomahawk cruise missiles laban sa radar, drone at anti-ship missile sites ng Houthi rebels, na kaalyado ng Palestinians.
Anyways, ayon sa 1987 Philippine Constitution, Article II, Declaration of State Policies, Section 8: “The Philippines, consistent with the national interest, adopts and pursues a policy of freedom from nuclear weapons in its territory.”
Kaya suportado natin ang resolution ng Makabayan Bloc sa Kamara na imbestigahan ang deployment ng Tomahawk sa Pilipinas kung meron at ano ba ang mga nilalabag ng aksyon na ito.
Pakiwari ko, bukod sa inaasahang matinding reaksyon ng China, tinetest ng US at nina Marcos Jr ang opinyon o reaksyon ng madlang pipol.
Tinetest din ang limits ng ating saligang Batas. Pati ang pasensya ko:).
Pag nagsawalang kibo tayo riyan, umasa na magde-deploy ng mas malalakas ng armas pandigma ang US para stockpile nila sa EDCA bases.
Haay nakakabuset. Sa deployment ng MRCS, itinaas ng Amerika ang level ng labanan nila ng China sa dominance sa South China Sea at East Asia. Sarap pag-untugin.
Asahan na bukod sa magdedeploy din ng powerful weapons ang China, lalo nila tayo gigipitin, ibu-bully, pahihirapan. Ang isang consolation at makapangyarihang pananggalang natin sa China, malakas ang international pressure at banat ng iba-ibang bansa sa aggression ng China sa West Philippine Sea, nagmumukhang belat ang China kahit nasa side niya ang Russia at ilang Asean countries.
Ang international pressure na ito ang best nating tanganan para hindi tuluyang dumausdos sa proxy war ang gitgitan ng US at China. Red flag ko lang si Marcos Jr., sinasabi sa Section 7, Article 2 ng ating saligang batas: “The State shall pursue an independent foreign policy. In its relations with other states the paramount consideration shall be national sovereignty, territorial integrity, national interest, and the right to self-determination.”
May mga sabit ka na sir. Namumuro ka na. Wag nyo kaming idamay. Puro laban na lang ginagawa namin, di na makakapanood ng Pagtatag Concert Finale ng SB19.
Kainis. Lol!