ISANG araw, ‘di napigilan ni Bathala ang kanyang galit sa Pilipinas.
Halos gusto na n’yang gunawin ang buong bansa dahil sa sobra-sobrang korapsyon—partikular sa mga institusyon ng pamahalaan.
Lahat halos ay natutong magnakaw, manuhol at gumawa ng iligal, magmula sa pinakataas na opisyal hanggang sa simpleng kawani ng gobyerno.
Ang mga politiko noon ay naging mga kontratista na ngayon—at ang mga kontratista noon, sila na ang mga nakaupo sa pwesto ngayon.
Ang taongbayan ay kontento na lamang sa kung ano ang ibigay sa kanila. Ayaw nang mamulat. Ayaw nang mag-isip. Ayaw nang makialam.
Kaya, inutusan ni Bathala ang pinakamabangis niyang alaga sa lupa—ang Pulang Tigre—na lipulin ang lahat ng politiko at ialay sa bulkan ng Kanlaon.
At ang mga korap na mga kawani ng gobyerno ay itapon at ipakain sa mga pating sa karagatan ng Batanes.
At bilang parusa sa mga Pilipino, tinanggalan sila ni Bathala ng karapatang bomoto.
Matapos ialay sa bulkan at itapon sa mga pating ang mga korap, muling inutusan ni Bathala ang Pulang Tigre na pamunuan ang Tanggapan sa Lotto ng Pilipinas.
“Para masigurong patas at walang puwang sa anumang pandaraya, mula ngayon, ang eleksyon sa Pilipinas ay idadaan sa pagbola ng lotto sa kabayo,” galit na sabi ni Bathala sa Pulang Tigre.
Dagpag pa ni Bathala, “ang bawat Pilipino mula 18 taong-gulang hanggang 75 taong-gulang ay bibigyan ng tiket ng lotto. Ang bawat tiket ay may tigda-dalawang kombinasyong numero, at lahat ng may tangan ng tiket ay maaaring maging presidente, senador, gobernador, kongresista, meyor, hanggang kapitan del baryo depende sa kung anong mananalong numero. Sa ganitong paraan, lahat ng Pilipino ay mayroong tsansang mamuno nang ‘di kailangang mandaya o bumili ng boto.”
Matapos kausapin ni Bathala, dali-daling nagpatawag ang Pulang Tigre ng pulong-balitaan kasama ang lahat ng mga miyembro ng media.
Ipinaliwanag ng Pulang Tigre na ang pagbola ng lotto ay depende sa magiging resulta ng karera ng kabayo na may mga kombinasyong. Ito’y tunay na transparent at naka-televise para makita ng lahat na walang halong pandaraya ang pagbola nito.
Nang dumating ang araw ng eleksyon, sinimulan ang pagbola sa unang larga ng karera ng kabayo kung saan ilang ordinaryo ngunit karapat-dapat na mamamayang Pilipino ang napiling mamuno sa pamahalaang lokal.
Masaya si Bathala sa naging resulta ng karera’t lotto, at pinuri nito ang Pulang Tigre.
“Tunay kang maasahan tapat kong alagad,” masayang sabi nito sa tigre.
“Naging maayos ang takbo ng karera at naipamahagi mo ang mga tiket ng lotto sa iba’t ibang sektor ng lipunan, kaya ang mga napili ay mga tunay na kinatawan ng kani-kanilang sektor—may magsasaka, mangingisda, doktor, titser, inhenyero, abogado, maralita, negosyante, istudyante, mga may-kapansanan, mga matatanda, at iba pa. Siguro naman ay handa na ang mga Pilipino na pumili ng kanilang mga kinatawan sa kongreso?”
“Kung iyong mamarapatin, Mahal na Bathala…,” anang tigre na may halong pag-aalinlangan. “Nais ko sanang ipakiusap na bago po simulan ang pangalawang larga para sa mga kongresista ay papagpahingahin po muna natin ang mga kabayo dahil ilang araw na rin po silang tumatakbo sa karerahan.”
Kaya pinagpahinga muna ni Bathala ang mga kabayo sa kwadra ng dalawang linggo.
Lingid sa kaalaman ng Pulang Tigre, ang unggoy na siyang nag-aalaga ng mga kabayo sa kwadra ay nakaisip ng paraan para kumita ng pera.
Kinausap nito ang dalawang kabayong yuniseks: si Bendita at Pistola.
“Mga Kaibigan, ilang araw na rin kayong tumatakbo subalit puro damo’t darak lamang ang tanging premyo sa inyo. Kung magkakaigihan tayo, tiyak na magiging milyonaryo kayo sa inyong bawat pagtakbo,” sulsol ng unggoy sa dalawang kabayo.
Nagkasundo ang tatlo na ibebenta nila ang resulta ng karera sa sinumang gustong maging kongresista.
Makalipas ang ilang araw, may isang alamid na lumapit sa unggoy. Handa itong magbayad ng P5 milyon ipanalo lamang ang tiket na tangan niya para s’ya ang manalong kongresista.
At nagkasundo ang Alamid at Unggoy sa P5 milyon. Tiniyak ng Unggoy na siguradong panalo na ito at siya na ang magiging susunod na kongresista.
Sa loob ng kwadra, kinausap ng Unggoy si Bendita at Pistola.
Nagsinungaling ito na isang milyong piso lang ang kaya ng Alamid, at meron silang tatlo na humigit tig-P300,000 pagkatapos ng karera.
“Neeeey… neeeey… mayaman na tayo!” hiyaw ni Bendita.
“Heeee… heeee… makakabili na rin tayo ng masasarap na mansanas at kalabasa,” ani Pistola.
Dahil naisahan nito ang mga alaga sa kwadra, pangisi-ngisi lamang ang unggoy habang nakikinig ito sa usapan ng dalawa.
Nang dumating ang araw ng karera, naghanda ng malaking piging sa bayan ang Alamid, tiwalang siya na ang susunod na kongresista.
Ngunit nang matapos ang karera, ni hindi man lang dumikit ang resulta sa numerong inaasahan n’ya.
Galit na pinatawag nito ang unggoy para magpaliwanag.
“Bakit ang tiket ng kalaban kong Butiki ang nanalo sa lotto? ‘Di ba tiniyak mo sa akin na sa halagang P5 milyon, ako na ang susunod na kongresista?” angil ng alamid.
“Humihingi ako ng paumanhin, Kaibigang Alamid,” mangiyak-ngiyak na sabi ng unggoy.
“Sa ibinigay mong P5 milyon, nalaman ng Pulang Tigre na tig-P300,000 lamang ang alok ko sa dalawang kabayo. Dinoble po ng tigre ang bigay sa kanila, kaya po tayo ay natalo,” dagdag na paliwanag nito.
At nakarating din kay Bathala ang mga nangyari sa karera, at kung paano minanipula ng alamid at ng tigre ang resulta.
Kaya pinatawag n’yang muli ang Pulang Tigre.
“Nakakadismaya ang ginawa mong pagmamanipula sa kabayo’t karera. Ang nais ko lang sana ay baguhin ang sistema ng politika, pero ikaw pa ang may ganang dayain ang resulta!” bulyaw ni Bathala sa tigre.
“Huwag po kayong mag-alala Mahal na Bathala. Mas mabait po at maayos kaysa kay Alamid ang naipanalo kong si Butiki,” paliwanag ng Pulang Tigre.
“Kailanman ay ‘wag na ‘wag mo akong pangungunahan,” sermon ni Bathala.
“‘Di mo ba alam na dito sa Pilipinas, ang isang payat at manipis na butiki ay balang araw nagiging isang suwapang na buwaya.”
PAGGUNAM-GUNAM
Ang pagbabagong sistema ay walang saysay kung ang kaisipan ay hindi pa rin nagbabago. Kahit palitan pa ang paraan ng halalan, kung ang tao’y gahaman, babalik at babalik pa rin sa dayaan.
Ang pagbabago ay nagsisimula sa pagbabago ng kamalayan—hindi lang sa pagpapalit ng patakaran. Hangga’t hindi nahuhubog ang pagkatao, konsensya, at pananagutan ng bawat isa, mananatiling naririyan ang ugaling Pinoy na sanay sa likong kalakaran.