Ka Tunying, dati nang may record ng bad media ethics

BINABAHA ngayon ng batikos ang kasamahan natin sa media na si Anthony “Ka Tunying” Taberna dahil sa pagkakalat ng fake news na si Senador Risa Hontiveros ay merong bilyon-bilyong pisong bicam insertion sa flood control sa kanyang radio program.

Matagal din nating nakasama sa media si Ka Tunying.

At noon pa man ay naging kontrobersyal na si Ka Tunying dahil sa kanyang palpak na journalism practice.

Maraming reklamong naihain dito kay Ka Tunying dahil nga sa unethical journalism practice.

Isa na rito ay nung nag-rape victim-blaming habang nasa isang programa. Yang mga ganyang maling asal ang nagpapalala ng rape culture sa bansa. Dahil sa ginawa niya, ikinampanyang tanggalin siya noon sa ABS-CBN, pero tinutulan ng Kapamilya network.

Katunayan, kinampanya pa ng mga tao na tanggalin siya pero tinutulan ng Kapamilya network.

Nagsimula siya sa dzEC bilang news writer nung 1992. Di kalaunan, lumipat siya sa ABS-CBN bilang Radyo Patrol reporter. Mula noon, nagtuloy-tuloy na ang karera niya hanggang nagkaron siya ng sariling programa na “Dos Por Dos” kasama ang isa pang broadcaster.

Naging popular ang programa at nabigyan ng break si Ka Tunying sa morning tv show, “Magandang Umaga, Pilipinas at documentary program, Kalye: Mga Kwento ng Lansangan. Umapir din siya bilang host sa “Tapatan”, at sa Punto Por Punto sa Umagang Kayganda,  umalis ng ABS-CBN dahil sa franchise renewal ng Kapamilya network, tumawid sa dzRH hanggang napunta sa TV5.

Sa February 19, 2018 episode ng Umagang Kayganda, may balita na isang 19-year old na babae ang nabiktima ng gang-rape nang nakipagmeet-up sa naka-online chat.

Narinig sa background ang pambabalasubas ni Tunying sa kababaihan, “Pambihira naman, o. Eto po ay hindi first time na nangyari, napakadaming pagkakataon na yang eyeball eyeball na yan, ang mas delikado nakipag-eyeball ka na nga, nakipag-inuman ka pa. Yan ang problema, yun ang mabigat sa lahat, lalo’t puro lalake ka-inuman mo.”

Sinopla at kinorek agad siya ng co-host na si Jeff Canoy, “Madalas usually pinapa-alalahanan yung mga babae na wag sumama, wag uminom,” said Canoy. “Pero dapat yung blame talaga eh yung nasa lalake. Pag sinabi ng babae wag, wag, diba.“

Pero ang Kapatid na Tunying, hindi talaga nagpaawat, “Hindi, sa totoo lang, madali sabihin yang sa lalaki eh. Pasensya na dun sa biktima yun dapat mabigyan ng katarungan,” saad pa ni Taberna. “Pero ito para sa future na pangyayari. Kapag ka ikaw ay babae, wag kang papasok sa lungga ng mga tulisan.” Nalimutan yata niya na may Nanay din siya.

Ayun, inulan na siya ng batikos!

Banat sa ingles ng spoken word artist, Juan Miguel Severo sa kanyang Twitter noon, “Rape doesn’t happen because victims put themselves in vulnerable situations, rape happens because rapists rape.”

Nilitanyahan din siya ng editor and award-winning poet na si Alma Anonas-Carpio, “It was vile, it was unethical. Shame on you. In my honest and unvarnished opinion, you really shouldn’t be wearing a press tag.”

Isa pang jab ang pinakawalan ng women’s rights activist Jean Enriquez, “Remove Anthony Taberna from Umagang Kayganda. We don’t need sexist media persons in this day and age of #metoo.”

Napilitang mag-sorry ang kolokoy.

Nung 2015, nagsalita siya sa rally ng Iglesia ni Cristo na labag sa journalism ethics bagay na nalantad ang kanyang biases laban sa mga reklamong ibinato sa INC.  Napilitan siyang mag-leave o absence sa programa.

Hinambalos din siya ng tuligsa sa pag-eendorso ng commercial products at pagkakaroon ng negosyo tulad ng sariling restoran habang siya ay commentator.  Labag pa rin ito sa ethical journalism practice.

Dahil dyan, itinakwil siya ng mga kapuwa mamamahayag.

Hindi pa natuto, bumanat na naman nitong huli laban kay Senadora Hontiveros. At ayun nga, fake news naman pala!

Ang ending nito, pag hindi naampat ang pagbaha ng mga kritisismo kay Taberna laban kay Hontiveros, wag magtataka kung malunod si Ka Tunying at anurin sa basura ng kasaysayan.

Sa susunod na kolum, ano ba itong alingasngas ni Taberna kay Hontiveros.