MARAMI ang humihiling na tanggalin na ang Grade 11 at 12 na dagdag sa taon ng pag-aaral ng mga estudyante.
Ang dahilan: dagdag sa gastos ang dalawang taon na sana ay nasa kolehiyo na ang mga estudyante.
Dalawa sa aking anak ang inabutan ng dagdag na dalawang taon sa high school.
Nag-attend din ako ng mga parent-school seminar hinggil sa implementasyon ng K-12 program.
Sa mga seminar na napuntahan ko, may ilang mali akong narinig mula sa mga speaker.
Isa na rito noong sabihin nila na mababawasan ang units ng mga estudyante sa kolehiyo pag naipatupad na ang K-12 curriculum, dahil ituturo na ang ibang lessons na pang college sa mga Grade 12.
Isama rin natin na magiging tatlong taon na lang ang gugugulin sa kolehiyo ng mga estudyante.
Isa itong napakalaking budol!
Pwede ko rin sabihing panloloko.
Sana noong nagsisimula pa lang ang implementasyon ng K-12 program ay naging makatotohanan na ang mga nagsagawa ng seminar at sinabing ang programang ito ay may kaakibat na dagdag gastos ngunit makabubuti at makatutulong sa mga estudyante pagka-graduate nila.
Hindi pa lubos na handa ang Department of Education (DepEd) nang i-implement ang Grades 11 at 12. Kulang sa pag-aaral kung ano ang isasama sa bawat strand, kulang sa paghahanda sa mga isasama sa bawat curriculum.
Bagama’t may mga pinadala sa ibang bansa na matagal nang may Grades 11 at 12 upang pag-aralan ang kanilang curriculum, hindi sapat ang iilang taon lang na pagsasagawa ng research.
Minadali, kaya ang unang taon nang implementasyon nito ay palpak. Walang naging direksyon ang mga batang nagtapos, lalo na sa mga pampublikong paaralan.
Sa ilang taong implementasyon ng K-12 program, unti-unti na kayang na-improve ang curriculum ng DepEd?
Isa sa mga pangako ng DepEd ay kapag nakapagtapos ng Senior High School ay mas may tiyansang makahanap ng trabaho, kahit na walang college degree.
Napako ang pangakong ito dahil hirap na makahanap ng trabaho ang malaking porsyento ng graduates ng Grade 12.
Maganda naman ang layunin ng K-12 program ng gobyerno, lalo pa at kailangan nating makisabay sa globalisasyon sa larangan ng edukasyon.
Ngunit, bago ang lahat, sana ay inunang pinaganda ang primary education at sabay pagpapaganda sa kalidad ng sahod ng mga guro, dagdag silid-aralan na may heat insulation na, at magandang feeding program para sa mga batang mag-aaral sa pampublikong paaralan.
Magpahangang ngayon ay ito pa rin ang problema ng DepEd. Dekada na ang binibilang, hindi pa rin naso-solusyunan.