In this corner

Nasa America na si Senator Manny Pacquiao. Sa media, todo ensayo na siya sa Los Angeles at mukhang kumpletos-rekados ang paghahanda niya sa makakalaban niyang si Errol Spence.

Pag boksing, dito ako bilib kay Pacman, focused at walang inaaksayang panahon, lahat ng effort nakatutok sa makakalaban.

At pupusta ako, piso manalo ng kuto, pag umabot ng last round ang bakbakan, panalo si Pacman.

Pero sa pulitika, medyo lihis ang taya ko kay Pacman.

Kasi sa huling upak niya, target niya yung Malakanyang. Malakas sana yung sapak, kaya lang sablay ang tama.

Kasi lahat nang inilabas niya na bintang, dumaan na sa kanya sa mga Senate hearing.

Bakit noong may hearing, quiet lang siya palagi? Bakit ngayon, ang ingay niya?

Although, sa ilang bagay ay naniniwala akong may merito sa hirit niya. Nawalan ito ng saysay dahil ginawa niya ang bintang noong hindi siya ginawang manok ng PDP-Laban para sa 2022.

Ngayon, tunog hirit ng bigo ang dating ni Pacman.

Tapos may kambiyo pa siya na hindi raw si Duterte ang target niya kundi gobyerno. Anak ng pritong sisiw naman, parang hindi nag-iisip ang taumbayan nyan eh.

Anyway, sa L.A. malamang manalo si Pacman. Pero pagbalik niya, baka dito TKO siya or at least may ako siya kay unanimous decision.

Pahabol:

Kamakalawa sa PreSONA presscon ng PCOO, sinabi ni Cabinet Secretary Karlito Nograles na nakalatag na ang vaccination roll-out plan ng pamahalaan.

Ayon kay Nograles, itong July lamang ay may 16 million doses ng Covid 19 vaccine na inaasahan ang pamahalaan.

Sa bawat buwan na susunod ay aabot mula 10 hanggang 15 milyong bakuna ang maaaring dumating sa bansa.

Ito ay mga bakunang tulad ng Sinovac, Pfizer, Moderna at AstraZeneca.

Sana nga totoo ang sinabi ni Sec. Nograles dahil kung totoo ito, ay may pag-asa tayo ng isang Merry Christmas