IMPORTED na surot, local na daga at may ipis pa.
Mga insektong ‘di aakalaing makikita sa loob ng isang paliparan ngunit nakita sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang nakakatawa, sinabi ng isang opisyal ng Manila International Airport Authority (MIAA) na imported ang surot na nakita sa upuan sa NAIA dahil base sa kanilang obserbasyon, mukhang iba yung itsura ng surot kumpara sa surot natin dito sa Pilipinas. Iba raw ang hugis at laki nito.
Paano nga ba nakalusot ang mga surot sa mga upuang bakal?
Baka naman kailangan nang matinding chemical treatment ng lupa sa NAIA.
Maiintindihan ko pa ang daga na kayang-kayang gumapang at lumusot sa mga butas, pati na rin ipis.
Ang daga at ipis ay madalas makita sa mga lugar na marumi. Hindi ko sinasabi na marumi sa vicinity ng NAIA, pero mukhang kailangan ng matinding clean-up drive sa ating paliparan, hindi lang sa loob kundi pati na rin sa buong kapaligiran.
Ang paliparan ng isang bansa ang una at huling makikita ng isang dayuhang bisita. Mahalaga na ang unang mabubungaran niya ay isang maayos, malinis, kaaya-ayang lugar.
Kahit naman mga local tourists ay madidismaya kung ang makikita sa paliparan ay ipis, daga, at makakagat ng surot at uuwi itong may pantal na nuknukan ng kati. Ang masama niyan ay baka maiuwi mo pa sa bahay mo yung surot!
Isama na rin natin ang problema sa airconditioning unit sa NAIA. May pagkakataon na sobrang init sa loob ng paliparan.
Tandaan natin na kabilang ang NAIA sa worse/worst airport, hindi lang sa Asia, kundi sa buong mundo. Hindi pa nga nakasama ang NAIA sa one of the best airports in the world.
Bakit nga kaya sa kabila ng effort ng management na pagandahin ang loob at labas ng paliparan, hindi pa rin umangat-angat ang pangit na imahe nito.
Bukod sa mga insekto, may issue pa rin sa mga immigration officials natin. Masama pa rin ang imahe nila matapos ang mga sunod-sunod nilang kapalpakan.
Sa totoo lang kahit ako ay may agam-agam sa tuwing bibiyahe kaming mag-anak, lalo na kung daraan sa immigration. Pag nakalusot na sa immigration, doon lang nakakahinga nang maluwag.
Hindi rin ako magtataka kung bakit maliit ang bilang ng mga turistang dumarayo sa ating bansa. Sa mga negatibong balita na lumalabas, mas gugustuhin ng foreign tourists ang magpunta sa ibang Asian countries na talagang pang world class ang mga airport. At hindi kinikwestiyon ang visa na na-issue na ng country of destination.
Naniniwala naman ako na darating din ang panahon na magiging world class ang NAIA, kung kailan, yung ang malaking tanong.