NAKAGIGIL ang kagag*han ng ilang maruruming pulitiko.
Nitong Enero 9, 2025, ay nakuhanan ng video ang isang industrial truck na nagtatambak ng mga basura sa kahabaan ng Mel Lopez Boulevard sa Tondo, Maynila. Maliwanag na isa itong pananabotahe para lamang palabasin na marumi ang lungsod at palpak ang garbage collection nito.
Ang trak na may plate number RJ- 899 ay dinala sa Manila Traffic and Parking Bureau-Central Impounding Station, habang patuloy ang imbestigasyon ng Manila City Hall Task Force (MCHTF).
Kapuri-puri ang ginawa ng nasabing task force sa pagtimbog sa naturang trak na naaktuhan umanong nagtatapon ng mga “imported” na basura sa lugar na sakop ng Barangay 105 gabi ng Enero 9, 2025.
Bakit kanyo imported? Eh sa ibang lugar galing ang mga basura tapos sa Maynila itinambak.
Bago niyan ay nakatanggap pala ng reklamo ang Department of Public Services (DPS) mula sa MCHTF tungkol nga sa isang trak na nagtatapon ng maraming basura sa nasabing lugar.
Sa paunang pagsisiyasat ng MCHTF, na-trace na ang trak ay pagmamay-ari ng isang junk shop operator na residente rin ng Aroma Compound sa Brgy. 105 din sa Tondo. Ikinumpisal nito na ang mga gumamit ng kanyang trak sa nasabing oras lugar at petsa ay dalawang empleyado niya na edad 60 at 24.
Ang naturang mga empleyado ay kinasuhan na sa Manila Prosecutor’s Office ng paglabag sa Republic Act 9003, na mas kilala bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Patuloy rin silang iniimbistigahan at minamanmanan ngayon ng task force ang posibilidad na nagaganap din ang pagtatambak ng mga ‘imported’ na basura sa iba pang parte ng Maynila, na hindi naman talaga malayong mangyari.
Para sa mga di nakakaalam, nitong Disyembre ay kinuha ng Manila local government unit ang serbisyo ng dalawang bagong garbage contractors matapos na ang mga may-ari ng Leonel Waste Management na kinontrata ng dating administrasyon ay hindi na sumama sa bidding sa hindi malinaw na dahilan na sila lang ang nakakaalam.
Ang kontrata ng Leonel ay hanggang December 31, 2024, pero bago pa dumating ang nasabing petsa ay di na umano nangulekta ang Leonel, dahilan upang ang volume ng basura sa lungsod ay dumami ng may 400 percent.
Sa laki ng Maynila at dahil sa nagdaang holidays ay inasahan naman talaga ang pagdami ng basura tapos di pa nangulekta.
Amoy sabotahe talaga, kasimbaho ng ugali ng mga nasa likod nito.
Sa mga taga-Maynila, sana ay makipagtulungan sila sa City Hall na matigil ang mga ganitong uri ng pananabotahe.
I-video, kunin ang plaka at agad na i-report sa mga kinauukulan, partikular na sa DPS. Kasi, may mga opisyal ng barangay na pupuwedeng makipagsabwatan pa dahil di naman lingid sa atin na may mga chairman na namumulitika.
Maliwanag pa sa sikat ng araw na may sabotaheng nagaganap at may nag-utos. Kung sino, kayo na ang humusga.
Marami namang paraan upang ligawan ang boto ng mga residente pero ang manabotahe sa basura itsurang sakit ang dala nito sa mga taga-Maynila, talaga namang sobra na ang pagka-makasarili at kawalanghiyaan ng mga nasa likod nito.
Dahil wala silang pakialam, kesehodang kalusugan na mismo ng mamamayang taga-Maynila ang inilalagay sa peligro makapanabotahe langd.
Dapat ay tandaan nating lahat ang mga pulitikong nasa likod ng ganitong uri ng maruming gawain.
Ang mga ganitong klase ng pulitiko, di pinag-aaksayahan ng boto at sa halip, sa basura din itinatambak dahil sarili lang ang pinahahalagahan at dun sila nararapat.
***
DIRECT HIT entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0917-3132168.