HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang si Ferdinand Marcos Sr. matapos na harap-harapang babuyin at bastusin ni Vice President Sara Duterte.
Sino ba naman ang matinong taong hindi papalag sa sinabi ni Sara? “Isang beses sinabihan ko talaga si Sen. Imee, sabi ko pag di kayo tumigil, huhukayin ko yang tatay n’yo, itatapon ko s’ya sa West Philippine Sea,” pahayag ni Sara sa isang press conference.
Pero ang nakapagtataka ay hindi umalma si Imee sa ginawang pambababoy ni Sara. Tuluyang nanahimik at pinabayaan ng senadora na lapastanganin ang namayapang amang si Marcos Sr.
Mali na ikatuwirang sinagot na ni Ilocos Norte Governor Matthew Marcos Manotoc ang pambabalahura sa bangkay ni Marcos Sr. dahil bilang anak at mismong pinasaringan ni Sara, si Imee ang dapat na sumagot at kumompronta sa ginawa ng kanyang best friend.
Ang problema kay Imee, laging ‘playing safe’ at ‘namamangka sa dalawang ilog’ at takot na masaling o mabangga ang sino mang makapangyarihang personalidad o grupo dahil baka madiskaril ang kanyang kandidatura sa 2025 senatorial race.
Ang hindi alam ni Imee, napakaraming Ilokano at mga loyalista ang galit na galit ngayon sa kanya dahil sa ‘tinabla’ ng senadora ang sariling ama sa kabila ng pambabastos ni Sara.
Hindi rin alam ni Imee na bilang mga Kristiyano, ang salitang respeto sa namayapa ay sagrado at kailanman hindi kinakailangang lapastanganin tulad nang ginawa ni Sara kay Marcos Sr.
Nagkamali si Imee sa kanyang diskarte dahil sa kasalukuyan marami ang nagsasabing naglaho na ang ‘Duterte magic’ at ang inaasahan niyang botong manggagaling kay Sara ay hindi na mangyayari.
Bukod pa ang usaping matagal nang bistado ng kampo ni Sara na ginagamit lang ang kanilang pagkakaibigan para sa kandidatura ng senadora.
Kaya nga, halos bumalentong ako nang makita ko ang post ni Imee sa kanyang facebook na nakaluhod sa harap ng puntod ng kanyang ama nitong nakaraang Undas. Diyos ko po… ang plastttiiikkk!!!