PANAHON ng mga imbentaryo ngayon. Sa mga department stores, mga opisina, mga organisasyon.
Bago umusad, kailangan ang paglalagom upang makita ang mga kakulangan, kahinaan at pagpapabaya kung mayroon man. Sa kabila ng kaliwa’t kanang bigwas ng kapalaran, naitawid natin ang dalawang taon at humaharap sa panibagong umaga.
Ganito ko iimbentaryo ang nakalipas na 2020 at 2021:
Kapansin-pansin na sa huling quarter ng taon, nagluwag ang quarantine rules at bumaba ang inilalathalang numero ng apektado ng Covid.
Sasabihin mo, siyempre kasi malaking porsiyento na ng populasyon ang nabakunahan. Logical?
Pwede.
Hindi ko alam kung paranoia na nga ito, but I felt uneasy. Paano kasi sa nakalipas na mga buwan, sa kabila ng puna at pagtutol ng mga tao, kung ano-anong kautusan ang ipinatupad kahit lantarang walang katuturan ang mga ito. May mga pumalag pero nauwi sa red tagging, at, ang malala, pagkakakulong at involuntary disappearances.
Kakaiba kasi talaga ang utak ng operators ni PRRD. Naglaro sa malikot kong kaisipan ang galawan ng spin doctors ng administrasyong ito. Parang mangingibig na nangangako ng buwan at bituin, pero ang totoo nais ka lang lituin.
Sa dami ng sablay na desisyon, kaduda-dudang transaksyon at katawa-tawang polisiya kailangan ng pambawi. Madali lang naman imanipula ang utak ng masang gutom at tulala.
Blood Trail
Hanggang sa huling araw ng taong 2021, naitala ang pagdanak ng dugo. Isang mamamahayag sa Samar at prosecutor sa Cavite ang itinumba ng ‘di nakikilalang salarin, in broad daylight. Sa estadong naging bukas sa kawalan ng hustisya sa ngalan ng drug war, tila naging normal ang patayan ng walang pakundangan.
Corruption Right Under Your Nose
Matindi ang paghanga ng taumbayan nang sabihin ni PRRD noong 2016 na hindi niya papalampasin kahit ang simoy ng korapsyon subalit hindi nagtagal ay naitala ang hindi mabilang na alegasyon ng katiwalian sa siyam na ahensiya ng gobyerno, bukod sa iskandalo ng Pharmally at Malampaya Gas project. Umabot sa halos $2.5 bilyon ang unaccounted public funds batay sa inisyal na pagsusuri ng state auditors. Naitulong sana ang halagang ito bilang ayuda sa panahon ng pandemya, lalo na bilang subsidy para sa produksyon ng mga magsasaka.
Death of MSMEs
Tumanggap ng malulutong na palakpak mula sa sariling kampo ang gobyerno diumano dahil sa mga ipinatupad na reporma sa ekonomiya, kabilang na ang tax package, national ID system, ease of doing business, at ang highlight- ang lumagong imprastruktura.
Busog sa stimulus packages ang mga dambuhalang negosyo subalit napagdamutan ang micro, small at medium enterprises (MSMEs). Ang nakarating sa kanila ay ambon ng Go Negosyo na 5000 hanggang 200,000.00, walang-wala sa milyones para sa mga big businesses. Equal distribution of wealth? In your dreams!
Sinuportahan ng gobyerno ang malalaking negosyante sa pamamagitan ng imprastruktura. Ang totoong nakinabang sa Build, Build, Build Program ay mga tycoons at realtors dahil tumaas ang halaga ng kanilang mga ari-arian. Pinababa rin ng Corporate Recovery and tax Incentive for Enterprises (CREATE) ang corporate income taxes na kanilang binabayaran.
Ipinapakita ng pagkiling na ito sa malalaking negosyo at hindi sa vulnerable sector kung ano talaga ang agenda ng mga economic managers sa bansa. Nakakalungkot na imbes na mas kumiling sa mga maliliit na higit na nangangailangan ng pansin, mas ninais ng mga ito na lumakas pa ang malalakas na.
Iniwan nga ng gobyerno ang maliliit, na muling babalikan lamang sa panahong kailangan nila ng paborableng sagot sa balota.
Sa kalamidad dulot ni Odette, matagal at matumal ang responde ng pamahalaan. Nauna pa ang pribadong mga organisasyon at ang grupo ng bise presidente. Ang unang tugon ng Pangulo matapos busisihin ang kanyang pananahimik sa panahon ng kalamidad ay ang pag-amin niyang “wala nang pera” ang kaban ng bayan.
Pagbabago Sa 2022
Habang patuloy ang paglago ng yaman ng mga may-kaya at nakadikit sa kapangyarihan, sumadsad ang kalagayan ng mayoryang Pinoy. Joblessness, illnesses, high prices of commodities.
Nahaharap ang bansa sa malaking hamon pagdating ng Mayo. Hindi madali ang bumangon sa harap ng mga lider-politiko na nais magpatuloy ng kanilang self-serving interests.
Makikita ang naglalakihang tarpaulin ng presidentiables na nangangako ng pagbabago. Pagbabago para kanino at para saan? May isang ang sinasabi ay ituloy ang pagbabago. May dapat bang ituloy?
Sa 10-point agenda ni PRRD noong 2016, maliwanag na kulelat siya sa pagtupad ng kanyang mga plataporma de gobierno. Mas nabigyang kapangyarihan ang malalakas na, at naisantabi ang mahihina. Ang sabi sa Foreword ng Philippine Development Plan of 2017-2022, “ through this Plan we will empower the poor and the marginalized, push for improved transparency and accountability in governance, and fuel the economy…”
Walang saysay ang mga salitang hindi kayang mapanindigan. Maging babala ang nakaraan; gawing aral ang mga pinagdaanan.
Matalino ka.
Ikaw ang may hawak ng mas masinop na bukas ng bayang ito. Sa darating na Mayo alam mo na kung sino ang karapat-dapat na pangalan sa iyong sagradong balota.
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]