Iligal na tindahan ng paputok naglipana na naman

TUNAY na malikhain ang ating mga kababayan na gumagawa ng mga paputok at pailaw sa lalawigan ng Bulacan lalo na sa pagbibigay ng pangalan sa kanilang mga produkto.

Kung anong salita, pangyayari o sikat na personalidad ang uso sa partikular na panahon ay doon nila ibinabase ang “branding” ng kanilang ibinebentang pailaw o paputok.

Kung sa mga nagdaang panahon ay sumikat ang mga malalaki at malalakas na paputok na kilala sa mga tawag na “Goodbye Bading”, “Napoles”, “De Lima”, “Covid”, “Good Earth” at “Yolanda”…ngayong taon click naman ang mga pangalang “Baby M” (BBM) at “McKoy”.

Karaniwang gumagawa ng pangalan para sa mga iligal na paputok ang ilang mga manufacturer nito para makuha nila ang atensyon ng publiko.

Pero kung tutuusin ay iisang klase lamang ang mga ito na gawa mula sa overweight at oversized na paputok na nakalagay sa isang malaking “trianggulo” (triangle) o kaya naman ay tube canister na kasing hugis ng dinamita.

Paraan ito ng ilang illegal manufacturer para kumita tuwing panahon ng Pasko hanggang sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Hindi sila nakikipag-kumpetensya sa mga imported na pailaw dahil alam nilang hindi papasa sa quality control ang kanilang produkto.

May sariling market ika nga ang mga ganitong produkto na talaga namang napakadelikado.

Linawin ko lang, iba ang iligal na gumagawa ng mga paputok sa mga lisensyado at legal na firecracker manufacturer na nakikipagsabayan sa paggawa ng mga dekalidad at mas ligtas na mga pailaw at paputok.

Bukod sa nabanggit na mga iligal na paputok, mabibili pa rin nang patago sa ilang tindahan sa Bulacan ang mas mas maliliit pero ipinagbabawal pa ring mga paputok tulad ng piccolo, baby dynamite, boga, super lolo, watusi, giant bawang at iba pa.

Sa ating mga magulang palaging tandaan na delikado ang anumang uri ng pailaw at paputok lalo na sa mga bata.

Bagama’t sa mga nagdaang taon ay patuloy ang pagbaba ng mga kaso ng mga firecracker-related injuries ay may mga naitatala pa ring kaso ng pagkamatay dahil sa pagtangkilik sa mga ito.

Sa pagsalubong sa 2023, pwede namang manood na lang tayo sa fireworks display ng ilang mga LGUs sa mas ligtas na mga lugar, magpatugtog ng masasayang music at mag-ingay gamit ang mga lata, kaldero o kaya ay busina ng mga sasakyan.

Pero higit sa lahat, magdasal tayo at magpasalamat para sa taong nagdaan kahit na mahirap at maraming pagsubok tayong pinagdaanan ito ay ating nalampasan.

Nabanggit ko ang mga bagay na ito dahil noong isang linggo lang ay isang iligal na pagawaan ng paputok sa Bayan ng Sta. Maria ang sumabog.

Nobyembre pa lang ay nag-iimbak na sila ng mga iligal na paninda para sa buwan panahon ng kapaskuhan at bagong taon.


Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]