Wala nang kawala sina Rodrigo Duterte, Bato Dela Rosa at iba pang isinasangkot sa patayan sa war on drugs na iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC).
Hindi kasi nakumbinsi ng gobyerno ng Pilipinas ang ICC Appeals Chamber na suspendihin ang pagsisiyasat ng prosecutor ng tribunal sa crimes against humanity na idinulot ng war on drugs.
Nitong Lunes, March 27, sinabi ng Appeals Chamber sa kanilang eight-page decision, nabigo ang Pilipinas na maglatag ng matibay na basehan para suspendihin ang preliminary investigation na isinasagawa ni Prosecutor Karim Khan.
“In the absence of persuasive reasons in support of ordering suspensive effect, the Appeals Chamber rejects the request. This is without prejudice to its eventual decision on the merits of the Philippines’ appeal against the impugned decision,” ayon sa resolution na inilabas ni Presiding Judge Perrin de Brichambaut.
Ang tinutukoy na “impugned decision” ay yung decision ng ICC Pre-Trial Chamber na pinapayagan si Khan na alamin ang naging sitwasyon ng Pilipinas sa tokhang operations na ipinatupad ni Duterte mula November 1, 2011 hanggang March 16, 2019 nung myembro pa ang Pilipinas ng ICC.
Sa apela ng Office of the Solicitor General (OSG) nung March 13, inulit nito na walang jurisdiction o hindi saklaw ng ICC ang imbestigasyon sa drugs war dahil umatras ang Pilipinas bilang myembro ng ICC nung 2019.
Sa record ng PNP, merong 6, 200 drug suspects ang pinatay mula June 2016 hanggang November 2021.
Kwinestyon ng human rights groups ang data na yan at paniwalang umabot ng 12, 000 hanggang 30, 000 ang pinatay.
Pero ayon sa Human Rights Watch, inulat ng Office of the United Nations High Commissioner na umabot ng 8, 663 ang namatay.
Lumalabas na walang bagong argumento ang Pilipinas kung bakit walang jurisdiction ang ICC na imbestigahan ang kaso.
Walang laman ang apela. Hindi naipaliwanag ng gobyerno ng Pilipinas ang implikasyon o epekto ng imbestigasyon sa mga suspect, witnesses at biktima at kung paano mauuwi lang ang imbestigasyon sa sitwasyon na hindi na mababago pa.
Tinutulan ni Khan ang apela noong February dahil ayon sa prosecutor, pinapayagan lang ang apela kung ang pagpapatupad ng ruling ay lilikha ng siwasyon na hindi na mababago pa o kaya ay mawawalan ng saysay ang layunin ng apela ng Pilipinas.
Wala na lang maidahilan ang gobyerno sa ICC kaya kung ano-ano na lang ang sinasabi, halatang delaying tactics para makapag-isip ng iba pang taktika.
Hindi naman nakakapagtaka dahil ipinagpapatuloy pa ni Marcos Jr ang drugs war ni Duterte.
Sa report ng National Council of Churches in the Philippines sa 52nd regular session ng United Nations Human Rights Council nung March 23, sinabi ni NCCP Program Secretary Marvin Toquero, umabot na 223 ang mga biktima ng drug-related killings sa ilalim ng administrasyon ni Marcos Jr. mula July, 2022.
Noon ding March 23, sa hiwalay na report, (2022 Country Report on Human Rights) binatikos ng US State Department ang patuloy na impunity o kawalan ng kaparusahan sa mga biktima ng extrajudicial killings sa Pilipinas ay “significant problem”.
Ayon pa sa US report, tatlo lang ang ang prosecution sa drug war killings mula nung 2016.
Mismong ang ICC ay tinira ang gobyerno ng Pilipinas dahil kokonti lang sa libo-libong patayan ang inaksyunan.
Mahigit 30-member states ng UN Human Rights Council ang nanawagan sa gobyerno na kumilos para matigil ang extralegal killings dulot ng tokhang operations.
Problemado si Marcos sa kasalukuyang sitwasyon – nangako siyang lilinisin ang pangalan ng pumanaw na amang diktador at kailangan din niyang linisin ang iniwan na gulo at dumi ni Duterte.
Tali ang mga kamay ni Marcos sa usapin ng patayan sa drugs war – pwersado siyang harangin ang imbestigasyon ng ICC sa sinundang presidente para hindi umalma ang bise presidente at anak na si Sara Duterte.
Mabigat at kritikal na parte ng Marcos coalition ang Duterte bloc sa kanyang panalo at pananatili ss pwesto.
Anumang major major na pagkakamali ni Marcos lalo na sa handling ng ICC probe sa Duterte extrajudicial killings bunsod ng tokhang operations, kasama siyang mabubuwag ng koalisyon.
Importanteng bantayan ang tatakbuhin ng makasaysayang ICC prosecution sa war on drugs lalo’t sabit na si Marcos Jr sa mga kaso ng patayan sa droga para pinakamimithing hustisya ng mga biktima at kanilang pamilya.