HABANG bumubula ang bunganga ni Duterte laban sa kanyang mga kritiko, nagsasabugan ang mga baho ng kanyang administrasyon.
Isinasangkot ang Duterte Gang sa kaliwa’t kanang iregularidad, katiwalian, pandarambong at kwestyunableng pagwaldas pa more ng pera ng bayan.
Ang nagpapagalit sa mga tao, nagsasamantala sila ng pagnanakaw habang nasa pandemic – milyon milyon ang nako-coronavirus at namamatay sa impeksyon, walang trabaho at nagugutom.
Mga walang konsensya, maiitim ang budhi at nagliliyab ang mga kaluluwa, kung meron man, sa impyerno.
Salamat sa Commission on Audit na ginagawa ang kanilang trabaho at matapang na sinasalag at binibweltahan ang mga panggigipit at pagbabanta ni Duterte.
Kaya ang Duterte Gang, panic mode, laglagan, turuan spree at naghahanda nang magkalasan.
Hindi naman mangmang ang mga ordinaryong tao sa pag-intindi sa COA Annual Audit Reports.
Sentido kumon lang:
Pwedeng nagsimula ang lahat ng kabalbalan na ito noong 2017 nang ibinalita ng Taiwan-based newspaper China Times na bumisita at nakipagkita si Huang Wen Lei kay Duterte sa Davao City.
Si Huwang Wen Lei ang chairman ng Pharmally International Holdings.
Fast forward.
Noong September 4, 2019, nagkatawang tao ang Pharmally Pharmaceutical Corporation sister company ng Pharmally International Holdings, nang marehistro ito sa Securities and Exchange Commission para magmukhang legit.
Namuhunan sila ng P 625, 000 at nagsu-supply daw sila ng face masks at shields, at iba pang medical equipment.
Natapos ang 2019 nang mabokya ang sales ng Pharmally, lugi pa ng P25,549 na pinambayad sa buwis at lisensya.
Itsura ng mga buwaya na naghihintay ng mabibiktima.
Eto na.
Pagdating ng May 6, 2020, walong buwan pagkatapos maging legal sa mata ng pagnananakawan, pinirmahan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ang P 8.7 billion kontrata ng Pharmally para mag-supply ng medical equipment tulad ng PPEs.
Ang itinakdang presyo ng DOH ay P945 bawat set ng Protective Personal Equipment.
Pero ang presyo ng Pharmally – P1,910 kada PPE set, doble sa price cap ng gobyerno, tubong lugaw.
Tanong:
Una, bakit nag-award sa bagitong kumpanya na wala namang record na nagbebenta ng medical equipment at lugi pa nung 2019?
Pangalawa, saan kukuha ng P8.7B ang Pharmally para makagawa at makapagdeliver ng PPEs kung mahigit P625,000 lang ang puhunan?
Pangatlo, paano nalusutan ng Pharmally at bakit pinalusot ng PS-DBM ang bidding qualification na dapat may kaparehong project na nakumpleto ang kumpanya na nagkakahalaga man lang ng 50% o higit P4B sa kaso ng Pharmally?
Pang-apat, bakit at paano nanalo ang Pharmally sa bidding nang wala itong totoong address at lalong wala sa database ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS)?
Panglima, bakit pinaboran ang Pharmally na pag-aari ng dayuhan kesa Filipino suppliers na ipinu-push ng Department of Trade and Industry?
Halimba, sa records ng PS-DBM, bumili ang ahensya ng 12.9 million face masks sa Pharmally sa presyong kurakot na P22 at P27 bawat isa samantalang ang benta ng local company EMS Components Assembly ay P13.50 lang bawat isa.
Pang-anim, bakit nakikipag-transaksyon ang mga demonyo sa gobyerno sa mga pugante na dayuhan? Dahil ba birds with the same feather rob together?
Wanted sa Taiwan si Huang Wen Lie, chairman ng Pharmally International Holdings sa mga kaso ng fraud, stock manipulation at embezzlement.
Pugante rin ang kamag-anak niyang si Huang Tzu Yen, incorporator ng Pharmally Pharmaceutical Corp and Pharmally Biological Inc. sa kasong stock manipulation.
Panghuli.
Sino nag-aprub at bakit nanalo sa bidding-biddingan ang Pharmally?
Si dating PS-DBM Undersecretary Lloyd Christopher Lao na naging tauhan ni Senador Bong Go nung siya ay nasa Office of the Special Assistant to the President (SAP).
Walang duda dahil naging point man siya ni Go sa controversial frigates deal ng Philippine Navy noon.
Sa profile din niya sa PS-DBM, naging Chief Executive Officer at Commissioner siya ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).
Ipinoste si Lao sa DBM noong January 2, 2020, apat na buwan bago niya iaward ang multi-billion contract sa Pharmally. Ready for the Big Kill.
Nga pala, fraternity brother din ni Duterte si Lao sa Lex Talionis.
Dangerous liaisons ang peg di ba.
May bali-balita na bumili na ng plane tiket si Lao para takasan ang kawalanghiyaang ginawa niya nang ipatawag siya sa Senate investigation.
Kung ilulugar natin sa konteksto ng pangako ni Duterte na susugpuin ang corruption at itataguyod ang transparency at accountability sa pamamahala ng gobyerno, ano na ba real score?
Ito na yata ang administrasyon na tinapatan kundi man hinigitan ang lodi nyang mandarambong at diktador na si Ferdinand Marcos.
Noong May 2017, wala pang isang taon mula nang maluklok bilang panggulo este, pangulo, pumutok ang P6.4-billion ‘shabu’ smuggling na nakalusot sa customs.
Nakatago ito sa limang metal cylinders galing China, ehem.
Noong 2018 natagpuan sa isang warehouse sa Gen. Mariano Alvarez sa Cavite ang apat na bakanteng magnetic lifters na pinaniniwalaang nakapag-smuggle ng P 11 billion ng shabu na nakapuslit o pinapuslit ng customs.
Ibinulgar naman sa Senate hearing noong August 2020 ang P15B illegal na paglabas ng interim reimbursement mechanism (IRM) funds.
Nalantad din ang pastillas bribery scandal ng immigration nun ding isang taon para makapasok ang daan-daan libong Chinese para makapagtrabaho sa Philippine offshore gaming operators (Pogos).
Dahil dito at sa “Visa Upon Arrival” modus, nakapagbulsa na mahigit P40B ang mga masterminds mula pa noong 2017.
Habang tumatagal, pabantot nang pabantot ang sumisingaw na baho ng Duterte administration.
Kaya hindi ako magtataka na mag-self destruct ang Duterte gang sooner than expected.
Sa nagdaang limang taon ng administrasyong Duterte, dalawang opisyales lang at retiradong opisyal ng pulisya ang na-convict ng plunder:
Sina Al Arhosino at Michael Robles na ka-brew Duterte sa Lex Talionis fraternity at x-cop Wenceslao “Wally” Sombero Jr. sa kasong P50 million Jack Lam bribery scandal noong 2016.
Ibig sabihin, nanampol lang ang Duterte admin para sabihing may nagawa laban sa corruption. Consolation price?
Sa administrasyong Duterte, walang ransparency at accountability sa corruption at plunder.
Pero merong Transparency sa immunity, LOL!
Mga Ka-Publiko, ano wish mong gawin kung ang mga pinuno ng gobyerno ay mga magnanakaw at mandatambong?
Iserbey natin yan:
A. Kurut-kurutin at pisil-pisilin?
B. Paghimasin ng rehas forever?
C. Iboto sa 2022?
D. Ibagsak?
E. None of the above?
Para sa reaksyon o komento at tanong mag-email sa [email protected]