MAY napili na ba kayo ka-Publiko na iboboto niyong mga senador sa May 12?
Simula na ng kampanya, simula na ng panliligaw ng mga tatakbong senatoriables.
Simula na rin ba ito ng pagbili ng boto natin?
Sa aking opinyon, ang ilan sa mga tumatakbong senador ay di na kailangan pang kilalanin. Dahil kilala na natin sila. Alam na natin kung maayos ba silang magtrabaho o pansarili lamang ang iniisip.
Yung iba nga na naluklok, ang tanging “trabaho” ay ipagtanggol ang taong kanilang pinaglingkuran nang matagal. Loyal sa isang tao o pamilya, hindi sa taumbayan.
Iboboto n’yo ba uli yung mga dati nang nagsilbing senador? Yung pabalik-balik lang. Yung dinadahilan na hindi pa sila tapos magsilbi sa taumbayan, kahit na 20 o 30 taon na silang naging public servants.
Hindi nga nila alam yung mga katagang “give chance to others.”
Maraming tumatakbo na talagang may pusong makatao, makabayan.
Sila ang nararapat na bigyan ng chance.
May ilan naman na pwedeng ibalik sa pwesto, pero sa totoo lang, dalawa lang ang nakikita ko na dapat ibalik sa Senado. Kung sino sila, PM is the key, ‘ika nga.
Ngayon pa lang ay kumpleto na ang 12 senador na iboboto ko. Lahat sila alam ko na karapat-dapat sa pwesto.
Mga matitino, mga maayos magtrabaho. At higit sa lahat, mga hindi kurakot.
Nakakatawa nga yung sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinalabas na parang walang bahid ng kadiliman ang mga kandidato ng administrasyon.
Pag inisa-isa naman, makikitang may mga bahid din sila ng kasamaan.
May mga tumatakbo naman na ang tanging motibo ay harangin ang impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Mahigit 70 milyon tayong mga botante. Nasa atin ang kinabukasan ng mga kabataan, ng mga anak ko, anak niyo.
Gugustuhin niyo ba na lalong masira ang kanilang kinabukasan?
Pumili tayo ng matino.
Sa 66 na senatoriables, nakatitiyak ako na may 12 na karapat-dapat maluklok.