“MAY nag-alok sa akin ng mataas na posisyon. Feeling ko puwede akong manalo kasi marami akong followers, maraming fans, maraming boboto sa akin. Pero hindi ako magaling doon so bakit ako pupunta doon? Ipapahamak ko ang Pilipinas?
Not because you can win, you will run.”
Ang statement na ito ni Vice Ganda ay nasabi na rin ng King of Comedy, Dolphy.
Alam nilang popular sila, maraming tagahanga. Malaki ang tsansa na manalo sa halalan.
Pero alam din nila kung saan sila mas kailangan, kung saan mas may katuturan: Sa larangan ng entertainment.
Sa maikling salita, kung alam mo na wala kang kakayanan,huwag kang tumakbo. Hindi simpleng responsibilidad ang mamuno ng bansa, probinsiya, siyudad, bayan o komunidad.
Armasan mo muna ang iyong sarili ng karanasan, kagalingan at kahit batayang kaalaman lamang sa pamamalakad ng gobyerno, bago ang pagtatangkang makasungkit ng puwesto. Huwag kang maging katawa-tawa sa plenaryo.
Kung hindi kuwalipikado, huwag kang tumakbo!
Sa unang buwan ng Oktubre kung saan ibinukas ng Comelec ang paghahain ng kandidatura, mayorya sa mga naghain ay mga artista, bloggers, kaanak ng mga artista, dating mga politico.
May ilan lamang na mga bagong mukha, subalit ang mas obvious ngayon, pami-pamilya—mula magulang isinama na ang mga anak. Na ang ibig sabihin ay atat ang mga kandidatong ito na solohin ang paggo-gobyerno sa kanilang lugar.
Walang delicadeza!
Lantaran ang pagiging ganid sa posisyon! Hindi na naitago ang kasakiman.
Sa Rizal, Ilocos, Batangas, Samar, sa Davao o saan pang panig ng bansa, pami-pamilya ang kalahok sa maraming posisyon sa gobyerno, by blood or marriage at madalas hene-henerasyon ay dawit.
Political dynasty ang tawag dito.
Nagiging dahilan ang dinastiya ng ineptitude o kawalang kakayanan na mamuno dahil nga isinasalin lamang ang kapangyarihan gamit ang makinarya ng incumbent na kamag-anak, sa kaanak kapag natapos ang termino ng magulang o naunang umupong kaanak.
Tuloy-tuloy ang korapsyon at napapatigil ang checks and balances sa gobyerno kung walang independent opposition dahil kubkob ng pamilyang political dynasty ang pamamahala at kaban ng bayan.
Noong 15th Congress, inintrodyus ni Senador Miriam Defensor Santiago and Anti-Dynasty Bill (An Act To Prohibit The Establishment of Political Dynaties) upang bigyang-buhay ang nasasaad sa batas na, “the state shall guarantee equal access to public service and prohibit political dynasty…”
Sabi ni Santiago sa kanyang explanatory note, “the socio-economic and political inequities prevalent in Philippine society limit public office to members of ruling families.”
Sa maraming pagkakataon, ang mga botante, for convenience at dahil sa cultural mindset, ay nakatingala sa ruling families bilang tagahatid ng mga pabor at nakatakdang bumoto sa dominanteng mga angkan na ito kada may eleksyon.
Nakakadismaya.
Sa huli, ang kalidad ng gobyernong gusto natin ay responsibilidad ng bawat botante. Sa napakahabang panahon, kapag hinainan tayo ng kandidadato ng kanyang mga pangako kalakip ang ilang pirasong ayuda o salapi, mabilis na natitinag ang ating prinsipyo.
Kulang na kulang tayo sa tamang edukasyon para sa matalinong pagboto. Ang Comelec sana ang manguna sa kampanya at information dissemination tungkol sa moral na pagboto.
Sadly, maging ang ahensiya ay kuwestiyonable na ang integridad dahil sa dami ng kaso ng katiwalian ng pagbili ng boto at umano ay pagpabor sa mga partylist na may kakayanang magbayad ng milyon. Mga alegasyong hanggang ngayon ay dinidinig o nabigyan na ng resolusyon sa iba’t ibang korte ng bansa.
O maari ring nakaugat na sa psyche ng botante ang kaisipang korap, na nakakasilaw ang kaunting pilak, na pera-pera ang kalakaran sa eleksyon.
Subalit hangga’t may mangilan-ngilang partido at indibiwal na kandidato na may masinop na track record sa pamumuno, maari pang magkaroon ng balikwas sa matalinong pagboto.
Ang aking unsolicited advice: vote for candidates who espouse term limits, are against turncoatism, who are opposed to foreign debt borrowing (utang ng gobyerno, pasan maging ng ating mga apo), distrust privatization ( tingnan ang nangyayari sa bagong NAIA ngayon, ipinasa na sa balikat ng mga mananakay ang burden ng airport fees), lumalaban sa impunity o walang habas na paglabag sa karapatang-pantao, abusers of the environment (matindi ito sa amin sa Rizal) and so on and so forth.
Iboto ang mga makataong kandidato. Bagamat di popular, tingnan ang nagawa nila para sa taumbayan. Before and after election.
Tandaan, huwag gawing kawawa ang sariling bansa sa pagbebenta ng iyong mahalagang boto sa mga popular, sa dinastiya, sa walang kakayanan. Paulit-ulit na itong paalala; at magpapatuloy hangga’t may mga kandidatong dapat ibasura.